Barangay Love Stories: A tale of pain and challenges | GMANetwork.com - Radio - Articles

Sabi nga sa mga singer, you can never really sing about love if you have not experienced a heartbreak. Halos ganoon din sa pagho-host ni Papa Dudut ng Barangay Love Stories.

Barangay Love Stories: A tale of pain and challenges

By AEDRIANNE ACAR
 
Labor of love na maituturing ang pagiging host ng Number One radio program ng DWLS 97.1 na Barangay Love Stories.

Hosted by Papa Dudut, makailang ulit na kayong pinaiyak ng mga kuwento na ibinahagi sa show na ito.

Paano naha-handle ni Papa Dudut ang ganito kabigat na programa?

Kuwento ng radio host, napakabigat na responsibilidad ang magkaroon ng show na tulad ng Barangay Love Stories dahil ito ay emotionally draining.

“I tell you this na-interview na ako dati sa Kape at Balita. Sinabi ko doon sa kanila na ang hirap, especially for example, wala akong problema tapos binasa ko mabigat na kuwento. The other day mabigat na ‘yung pakiramdam mo or right after reading the story, iniisip mo ‘yung nangyari,” saad ni Papa Dudut.

Ayon din sa kanya, hindi raw minsan maiiwasan na madala sa mga kuwento na kanilang pini-feature lalo na kung masyadong malapit ito sa katotohanan o nakaka-relate ka sa istorya.

Pag-amin ni Papa Dudut, kahit daw siya mismo ay hindi napigilang maging emosyonal dahil may panahon na damang-dama niya ang bawat kuwento sa Barangay Love Stories. Lalong-lalo na raw noong kaka-break pa lang niya sa kanyang girlfriend.

“Doon nag-number one ‘yung Barangay Love Stories kasi dalang-dala ka sa kuwento. So ikaw problemado ka rin, so (kung) ikaw pag binibitawan mo ‘yung mga linya -- ang bigat so ‘yung mga nakikinig damang-dama,” aniya.

Dahil daw sa sobrang sakit ng paghihiwalay nila ng kanyang minamahal, ibinuhos niya ang lahat ng kanyang emosyon sa show, na naging dahilan ng positive feedback at pag-arangkada ng Barangay Love Stories.

“Akala nila, because I am a good artist daw, ang galing daw mag-project ng boses. Kesyo ganun-ganun daw. Hindi nila alam, may pinagdaraanan din ‘yung host.”

Nagbahagi rin ng payo si Papa Dudut sa mga gustong maging DJ.

Aniya, huwag mong isipin na ang pagiging radio host ay your one-way ticket to fame. Dapat daw ihanda mo ang sarili mo sa challenges na kaakibat ng trabaho.

“Ang DJ ngayon, hindi lang basta DJ na nagsasalita. Ibinubuhos din ang emosyon mo. Kapag hindi ka handa sa pagbubuhos ng emosyon, hindi mo kayang paglabanan ‘yan. ‘Yari ka, aayawan mo ‘to. Hindi naman ‘to malakihang suweldo or pangmayaman kami.”