Ang pinakawagas na kuwento ng pag-ibig sa ‘Barangay Love Stories’ | GMANetwork.com - Radio - Articles

Sa lahat ng kuwento sa Barangay Love Stories, isa ang higit na tumatak sa isipan ng host nito na si Papa Dudut.

Ang pinakawagas na kuwento ng pag-ibig sa ‘Barangay Love Stories’

By AEDRIANNE ACAR
 
Maraming kuwento  ng pag-ibig ang pumukaw sa damdamin ng listeners ng Barangay Love Stories pero isang istorya ang higit na tumatak sa isipan ng host nito na si Papa Dudut.

Ito ang kuwento ni Alvin Domingo na ipinalabas niya noong nakaraang Holy Week.

Ayon kay Papa Dudut, espesyal ang naturang episode dahil sa halip na magbasa siya ng sulat o kuwentong ipinadala, pinuntahan siya mismo ng listener at ni-record niya ang boses nito.

“Ipinarinig ko sa radyo. That was the first time na ginawa ko ‘yun para maiba naman. Nagulat ‘yung mga tao. Mas naramdaman ng mga tao ‘yung kinukuwento niya kasi nagmula mismo ‘yung storytelling sa sender,” dagdag niya.

Gay si Alvin, ani Papa Dudut, at masalimuot ang kuwento nito dahil nang matagpuan ni Alvin ang pag-ibig, namatay ang kanyang minamahal pagkatapos ng 10 taon sanhi ng cancer.

Sabi niya sa akin, ‘Papa Dudut, hindi ako maka-move on.’ Lagi niyang naaalala kasi na ang dami niyang relationship na pinagdaanan na niloko lang siya. Isang araw, na-meet niya ang taong ito, minahal siya,” pag-aalala niya.

“Nagulat siya na natagpuan niya ‘yung pagmamahal na ‘yun (pero) namatay naman. Sabi nga niya ang pagmamahal hindi raw sa gender kundi nasa puso,” dagdag ni Papa Dudut.

Ayon kay Papa Dudut, maganda ang aral ng kuwento ni Alvin para sa listeners ng DWLS 97.1 dahil ipinapaalala nito na ang pagmamahal ay hindi dapat binabalewala, bagkus dapat itong iniingatan.

“Kung paano mo gusto kang itrato, dapat ganoon ka magmahal. Kapag baboy kang magmahal, ginagago mo ‘yung ka-partner mo, gagaguhin ka rin niya in return. Pero kung genuine kang magmahal, in return mamahalin ka rin niya,” pagtatapos niya.