
Kabilang ang pamilya ni Carmina Villarroel sa celebrity families na sinusubaybayan ng mga manonood.
Bukod kasi kay Carmina at sa kanyang asawa na si Zoren Legaspi, nasa show business na rin ang kanilang kambal na anak na sina Cassy at Mavy.
Sa naging panayam ni Ogie Diaz sa celebrity mom, ibinahagi niya kung ano ang pinakamahigpit na bilin niya sa kanyang mga anak tungkol sa kanilang showbiz career.
Ayon kay Carmina, lagi siyang nagpapaalala kina Cassy at Mavy tungkol sa paano nila dapat harapin ang bawat intrigang ibinabato sa kanila ng bashers.
Pagbabahagi ng aktres, “'Yung intriga, kasama talaga 'yan eh. Kahit na anong mangyari, lalo na ngayon na may social media, 'yung bashers grabe… Ito lahat ng tao kahit saan mang parte ng mundo. 'Yun ang sinasabi ko sa kanila na “Are you ready for that?”...
Paalala pa niya sa kanyang mga anak, “Lagi kong sinasabi sa kanila, you cannot please everybody. So, kahit gaano ka kabait, gaano ka kaganda, kagwapo, kahit gaano ka kabuting aktor. Hindi lahat ng tao magiging gusto ka…”
Kasunod nito, inilarawan niya sina Cassy at Mavy.
Sabi niya, “Ang mga anak ko naman very open 'yan eh. They are not here to please everyone. Basta I am just doing my job…Gusto ko lang mag-entertain. Ngayon, if you don't like me, okey lang po. If you like me, thank you very much…”
Dagdag pa niya, “Buti na lang gano'n ang naging thinking nila. Siguro kasi 'yung guidance namin ni Zoren… siguro kasi naging clear ako, naging very clear kaming dalawa ni Zoren na ito 'yung industriyang papasukin n'yo ha…”
Seryoso ring sinabi ni Carmina na patuloy nilang inaalalayan ni Zoren ang kanilang mga anak.
Pahayag niya, “Even up to now hindi kami tumitigil sa pagga-guide sa kanila…”
Kasalukuyang napapanood si Carmina Villarroel bilang isa sa lead stars ng hit GMA series na Abot-Kamay Na Pangarap. Bukod pa rito, kasama ng celebrity mom ang kanyang kambal na anak na sina Cassy at Mavy sa GMA talk-variety show na Sarap 'Di Ba?.