
Nagkuwento ang OPM icon at host na si Ogie Alcasid tungkol sa kanyang panganay na anak na si Leila Alcasid sa episode ng It's Showtime ngayong Biyernes (August 16).
Ito ay matapos mapag-usapan sa segment na "Expecially For You" ang tungkol sa nararamdaman ng mga magulang kapag nagdesisyon na ang kanilang anak na bumukod. Inamin ni Ogie na nagkaroon siya noon ng sama ng loob sa anak na si Leila dahil sa pagbubukod nito kasama ang nobyong si Mito Fabie, o mas kilala bilang Curtismith.
Kuwento niya, “Ito naman ay open naman ito, 'yung panganay ko actually bumukod, na ikinasama ng loob ko at sinabi ko sa kanilang dalawa ng boyfriend niya, 'Bakit hindi kayo nagsabi sa akin?' E alam mo naman ang kabataan, hindi magsasabi 'yan e at lalo mong pipigilin, gagawin pa rin nila.
“Hanggang sa sinabi ko, 'Alam n'yo, masama ang loob ko sa inyo na nagawa n'yo yan. Pero gayunpaman, kayo ay nag-a-adulting na, gawin n'yo 'yan, bahala na kayo sa buhay n'yo.'”
Ayon pa kay Ogie, ang role ng mga magulang ay ang paggabay sa kanilang mga anak.
Patuloy pa niya, “Kasi bilang magulang, hindi mo talaga mapipigilan 'yung anak ninyo e. Kahit ano'ng gawin ninyo, gagawin at gagawin nila. So kami bilang magulang, nandiyan lang kami, naghihintay lagi kung kailan n'yo gusto bumalik.
“Halimbawa lang, may nangyari sa kanila na hindi sila magkatuluyan, nandoon ka pa rin mag-aabang, gano'n ang role namin.”
Si Leila ay anak ni Ogie Alcasid sa dating asawa na si Michelle Van Eimeren, isang former beauty queen. Samantala, si Nate naman ang anak ng Filipino singer sa asawang si Regine Velasquez.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.