
Ikinuwento ni Sugar Mercado sa exclusive interview ng GMANetwork.com ang kanyang mga karanasan sa pagpapalaki ng kanyang dalawang anak bilang isang single mom.
Si Sugar diumano ay biktima ng marital abuse sa piling ng kanyang dating asawa na si Kristofer Jay Go. Ang kanilang limang taong pagsasama ay nagbunga ng dalawang anak, sina Gabrielle at Olivia.
Sambit niya, “Medyo mahirap kasi syempre tuloy pa rin ‘yung case tapos lumalaki na ‘yung kids, tapos nalalaman nila na ganun ‘yung nangyayari. Pero, prayers lang tapos tuloy lang kasi nandun na ‘yun ‘di ba. Kahit naman sabihin mong gusto mong maayos for the kids pero kung ayaw naman ng kabilang side, wala rin naman akong magagawa.”
Nagtataka na raw ang kanyang mga anak kung bakit hiwalay ng bahay si Sugar at ang kanilang ama. Kaya naman ginagawa niya ang abot ng kanyang makakaya para mapaintindi sa kanila ang kanilang sitwasyon.
“Ako rin naaawa sa mga anak ko kaya kahit gustuhin ko man na i-explain sa kanila lahat, sinasabi ko na lang, ‘Hayaan mo ‘yan. I-enjoy mo lang, smile ka lang. We’re friends.’ Ginaganun ko na lang,” patuloy ng Wowowin co-host.
Gayunpaman, masaya si Sugar dahil kapiling niya ang kanyang dalawang anak. Ikinatataba rin daw ng kanyang puso na nagsisilbi siyang inspirasyon para sa mga kakabaihang nakaranas din ng pang-aabuso.
Wika niya, “Advocacy ko is hindi dapat ina-abuse ‘yung girls, ‘yung mga babae, lahat ng babae. So malaking tulong din ‘yun sa mga na-abuse na babae. Marami na [nae-empower], in fairness naman, doon ako natutuwa. Lumalakas ‘yung loob ko kahit minsan natatakot ako, syempre nandun pa rin ‘yun. Pero lumalakas ‘yung loob ko sa kanila kasi may mga nag-message sa akin… Happy ako na nagiging inspirasyon ako sa kanila.”