
Sampung taon na ang nakalilipas nang magsimula si Kapuso actor Rocco Nacino sa sport na Brazilian jiu-jitsu.
Aminado ang aktor na five years ago lang nang talagang seryosohin niya at pagtuunan ng pansin ang sport.
Kaya naman isang malaking hakbang sa kanyang nagpapatuloy na Brazilian jiu-jitsu journey ang pagkaka-promote niya sa purple belt.
Ang purple belt ay ang "intermediate adult ranking" sa Brazilian jiu-jitsu, pagkatapos ng white at blue belt.
"It doesn't stop here, I cannot wait to explore and improve more on my techniques especially now that I have my purple belt. I wish to inspire and help others who want to learn and appreciate this martial art as well," sulat ni Rocco sa kanyang Instagram account.
Busy nang muli si Rocco dahil nagsisimula na ang taping para sa kanyang upcoming GMA Afternoon Prime series na Haplos. Muli niyang makakapareho dito ang kanyang Encantadia leading lady na si Sanya Lopez.