
Sa latest vlog ni Rico Blanco, inalam niya mula mismo kay Mike Dizon, drummer ng 90's rock band na Teeth, kung paano naisulat ang hit song nilang Laklak.
Ikinuwento ni Mike na maraming firsts na nangyari para sa kanila sa kantang “Laklak.”
Ito umano ang first composition ni Mike at ng bandang Teeth at ito rin ang first song na kanilang ni-record.
Unang nagawa ang music o riff para sa kantang “Laklak,” sa pamamagitan ng kanilang vocalist na si Glenn Jacinto. Kasunod nito ay ang lyrics na sinulat ni Mike.
Ayon kay Mike, wala silang kaalam-alam noon kung paano magsulat ng kanta.
Biro pa niya kay Rico, “Wala pang Google noon [para mag-search ng] how to write a song.”
Naisip lang daw isulat ni Mike kung ano ang personal niyang pinagdadaanan noong panahong 'yon. Kwento niya, “'Mahilig ako uminom, lately,' sabi ko. Pero ang bata ko pa. So, problema ['yon] noong time na 'yon.”
Una raw inisip ni Mike kung paano ba siya nagsimulang uminom at nagdiskusyon sila ni Rico tungkol sa unang beses nilang nakatikim ng beer.
Tanong ni Mike kay Rico, “Ikaw? Nung natikman mo naman yung beer, 'di mo naman [sinabi] na parang, 'Ang sarap ng beer!'?”
Tumatawang sumagot si Rico, “Hindi. Wala atang taong ganun.”
Sumang-ayon si Mike dito, at dito raw niya nabuo ang lyrics ng “Laklak,” aniya, “Oo nga. Ang panget ng lasa nito. Bakit ko ba nagustuhan? So, doon nagsimula.”
Dagdag pang kuwento ni Mike na hindi nila dapat ilalabas ang kantang “Laklak” at aksidente lamang ang pagpapatugtog nito sa radyo.
Panoorin 'yan at iba pang nakakatuwang kuwento tungkol sa kantang Laklak: