
Gustuhin man ng iba na mag-shopping, kailangan pa rin umiwas sa paglabas.
Kaya naman naglipana na ang online businesses para sa mga mamimili na hindi na gustong lumabas pa.
Ang pandemya, walang pinipili kaya pati mga celebrities, pinasok na rin ang mundo ng online selling.
Ilan na dito ay sina Lovely Abella, Jopay Paguia-Zamora, at ang Comedy Queen na si Aiai Delas Alas.
Hindi rin nagpahuli sa pagbebenta ang multi-award winning rapper na si Gloc-9.
Kahit ang Pera Paraan host na si Susan Enriquez, pinasok na rin ang online selling.
Aniya, "Ngayong panahon ng pandemic, ang talagang nag-boom kasi, siyempre, hindi tayo nakakalabas ng bahay, ay 'yung online business.
"Nag-online seller ako dahil may tinulungan ako na pinsan ko, kasi pagkain 'yun, at alam kong hindi lugi."
Isa sa mga nag-viral online kamakailan lamang ay ang mag-asawang piloto at flight attendant, pinasok na rin ang online selling ngayong madalang pa ang mga biyaheng panghimpapawid.
Ayon sa pilotong si Ralph Ricardo, "Nung nag-start 'yung lockdown wala talagang flights nun."
"Siyempre, no work, no pay. 'Tapos 'yung flights mo pa, very limited, dahil sa pandemic kaya kailangan po maghanap ng extra income, saad ni Alexis Ricardo.
Nag-fly naman kaya ang online business nila?
Sa punuhang mahigit kumulang na PhP15,000 ay sinimulan nila ang kanilang siomai business.
Hunyo lamang ng kanilang simulan ang kanilang negosyo, pero ngayon ay kumikita na sila ng triple rito.
Naging mas matibay pa raw ang kanilang pagiging mag-asawa ngayong may negosyo sila.
Ayon kay Alexis, "Grabe, bago itong pinapasok natin, nakakatuwa na may ganito tayo ngayon."
Kung dati ay mga pasahero ng eroplano ang hinahatid ni Ralph, ngayon, siomai naman ang sinisigurado niyang makararating sa mga buyer nito.
"Maganda po ang online business, 'yun na ang new normal ngayon, e-commerce," dagdag ni Alexis.
"Walang linya linya talaga 'pag dating sa pamilya. Hindi mo na maiisip 'yung profession mo, o 'yung status mo.
"Basta makakatulong sa'yo in the long run, go for it po."
Samantala, isang paalala lamang mula sa Department of Trade and Industry para sa mga online sellers, huwag kalimutang mag-rehistro ng negosyo.
Ayon sa DTI , noong 2019, 80% ng mga online sellers ang kabilang sa informal sector o hindi rehistrado sa kahit anong ahensya ng gobyerno at hindi nag-iissue ng resibo.
Ayon kay USEC. Ruth Castelo ng Department of Trade and Industry, "Kahit sino halos puwede mag-benta. Kailangan mo rin mag-rehistro para lumaki 'yung negosyo mo."
Napakadali at mabilis lamang ng proseso ng pag-rehistro ng negosyo online.
Kaya para tuluy-tuloy ang benta, tamang pag-rerehistro at pagsunod sa mga patakaran ng online selling din ang kinakailangan.
Panoorin ang Pera Paraan:
How to manage P170K debt from 17 credit cards