
Nagkaroon ng mini-reunion ang dating onscreen partners na sina Sharon Cuneta at Richard Gomez.
Sa magkakasunod na Instagram posts ng Megastar ngayong Huwebes, November 16, ibinahagi niya ang ilang larawan nila ni Goma nang magkita sila sa airport bago tumulak ang aktres sa Cebu.
"And who should I bump into in the airport waiting for my flight to Cebu but this guy! After three long years…all is finally well again now… @richardgomezph," sabi ni Sharon sa isang post kung saan magkayakap sila ni Richard.
Nagbatian at nagkumustahan ang dalawa nang magkita, base sa mga litratong ipinost ng Megastar.
Ani pa ni Sharon sa isang post, "It is so nice to have finally reconnected with you, my dearest friend."
Ilang beses nagsama sina Sharon at Richard sa pelikula, kabilang na ang Kapantay ay Langit (1994), Kahit Wala Ka Na (1989), Ngayon at Kailanman (1992), at Minsan, Minahal Kita (2000).
Sa ngayon, nagsisilbing representative ng Leyte fourth district si Goma.
Samantala, katatapos lang ng reunion concert nina Sharon at Gabby Concepcion na pinamagatang Dear Heart na ginanap noong October 27 sa SM MOA Arena. Magkakaroon din sila ng show sa Cebu sa Biyernes, November 17, sa NUSTAR Convention Center sa Cebu City para sa Dear Heart tour.
May bagong pelikula naman ang Megastar kung saan kasama niya si Asia's Multimedia Star Alden Richards. Bibida sila sa family drama na Family Of Two (A Mother and Son Story) na official entry sa 49th Metro Manila Film Festival. Mula ito sa panulat ni Mel Mendoza-del Rosario at sa direksyon ni Nuel Naval.