
Isa sa mga pinakakilalang personalidad noong '80s ay ang aktres at dancer na si Pia Moran. Kilala rin siya bilang si “Miss Body Language,” ngunit paano nga ba niya nakuha ang bansag na iyon?
Sa latest episode ng Updated with Nelson Canlas podcast, ikinuwento ni Pia na noong nagsisimula pa lang siya, marami na siyang nagamit na pangalan. Mula sa Susan Casinos, Susan Tuazon, hanggang sa Sophia Moran.
“Sabi ni direk, hindi ko [maalala] kung sinong direktor 'to e, sabi niya, 'A, mas maganda, Pia. Kasi maliit ka e, Pia Moran.' Du'n ako nakilala,” sabi ni Pia.
Pagpapatuloy ng dancer-turned-actress, nakuha naman niya ang bansag na “Miss Body Language” dahil sa pagsayaw niya sa kantang “Body Language.”
Pagbalik-tanaw ni Pia, “Nakikinig ako ng mga disco music, tapos narinig ko 'yung 'Body Language.' 'Yun, du'n ako nag-start, sinayaw ko 'yung 'Body Language' on my own. Then, sa Channel 7 yata talaga ako nag-start mag-guest nu'n, mga Joe Quirino, mga ganu'n ba, du'n ako tinawag na [Miss] Body Language. Kaya ako nagkaroon ng tatak na Body Language.”
BALIKAN ANG CELEBRITIES NA NAGSIMULA BILANG MGA DANCER SA GALLERY NA ITO:
Aminado naman si Pia na biglaan ang naging pagsikat niya noong '80s. Kuwento niya, nagsimula siyang magtrabaho noong 15 o 16 years old bilang isang live mannequin sa isang mall sa Cubao, Quezon City.
Bilang breadwinner sa pamilya at para kumita ng extra ay nagshu-show na siya at kaniyang mga katrabaho sa mga club.
“Pagkatapos ng trabaho namin, pupunta kami sa [clubs], may mga schedule kami. Dito sa Timog lang 'yan, iniikot namin. May mga show pa nu'n dati, lunch, usong-uso pa dati 'yan, lagari kami,” aniya.
“Du'n ako na-train nang na-train. Kahit mag-lip sync, magsayaw ng mga grupo, tapos mag-slow motion, naghahabulan sa beach, mga ganu'n ba,” pagpapatuloy ng aktres.
Ngunit kahit matagal na siyang nawala sa limelight, aminado si Pia na hanggang ngayon ay kaya pa rin niyang sumayaw at kumanta.
“Yes, nakakasayaw pa 'ko, nakakakanta 'ko, nag-a-acrobatics pa'ko, nali-lift pa'ko. Parte na siguro (ng buhay ko) atsaka bigay na siguro na talent ng Panginoon 'yun,” sabi ng aktres.
Pakinggan ang interview ni Pia rito: