
Katulad ng ginagampanan niyang role na si Elsa, naniniwala rin sa isang himala ang singer-actress na si Aicelle Santos.
Sa grand launch ng Metro Manila Film Festival movie niyang Isang Himala, ikinuwento ni Aicelle ang tila isang milagrong nasaksihan niya at ng kanyang pamilya noong 2012.
“Ang himala po sa buhay ko, na lagi kong ikinukuwento sa mga kakilala o hindi, ay mirakulo ng pagpapagaling ng Panginoon sa aking pamilya. Meron akong kapatid, 21 years old, isa na siyang cancer survivor. Siya po ay pinagaling ni Lord from stage 2 lymphoma.
“Pero towards the sixth month of our chemotherapy, inatake naman sa puso 'yung 19-year-old brother ko. And ito po 'yung case ng myocarditis [inflammation of the heart muscle]. So, kung ang heartbeats natin per minute is 80 to 100, sa kanya naging 20 beats per minute. Ang sabi sa akin ng doktor, nanganganib na talaga siya. Ako noon, dinala ko siya sa ospital, kasama ng nanay ko, nakapaa lang. E, nakita ko ang nanay ko, namumutla, e, high blood din ang nanay ko. Sabi ko, 'Ma, diyan ka, kukuha ako ng gamot mo, kukuha ako ng tsinelas mo.”
Nang bumalik, nadatnan daw ni Aicelle ang ina na umiiyak. Pinapipirma na raw kasi siya ng waiver dahil sa kalagayan ng kanyang kapatid.
“Sabi ko, hindi. Talagang noong panahon na yun, yung confidence ko kay Lord, yun lang talaga ang kinapitan ko. Sabi ko, 'Ma, mabubuhay si Aaron,'” pagbabahagi ni Aicelle.
“Aktibong Kristiyano ako and out loud. I prayed over him, sa puso niya. 'In the mighty name of Jesus, you are healed. In the mighty name of Jesus, ang kagalingan ng Panginoon, mula ulo hanggang paa, dumadaloy ang dugo ng Panginoon sa 'yo. Amen!'
“Right there and then, I witnessed a miracle, dumilat po ang kanyang mata. And then, ang mommy, tumigil sa pag-iyak.”
Bagamat ilang taon na ang nakalilipas, bago pa niya gawin ang Himala, Isang Musikal, hindi pa rin ito nalilimutan ni Aicelle at patuloy niyang ikinukuwento sa mga tao.
Sa hiwalay na panayam ng GMANetwork.com at ilang entertainment media, sinabi ng Kapuso singer-actress, “Binabalikan ko talaga yung experience yun.”
Dahil dito, napatunayan daw niya na, “Ang kapangyarihan ng paggaling, para sa akin, ay hindi naman nanggagaling sa tao. Ang kapangyarihan ng paggaling ay nanggagaling talaga sa Diyos na nasa taas. All we can do as humans is to call on Him and pray that we will be healed and we are healed.”
Tingnan ang ilang celebrities na cancer survivors: