
Kinaaliwan ng celebrities at netizens ang bagong video na in-upload ng It's Showtime mainstay na si Vice Ganda.
Sa isang Instagram post, mapapanood ang Unkabogable Star na nasa isang beach habang maririnig ang kanyang voice over na may nakaka-relax na background music.
“Paraiso, kay gandang paraiso. Isla kung saan kay sarap mag-ganda-gandahan, arti-artihan, takbu-takbuhan, sikip-sikipan. Perpek, aesthetic ka diyan. Dagat na kay sarap pagmasdan, may dalang pahinga at labis na kapayapaan. Ngunit maalaat dahil ang dami nang umihi d'yan," aniya sa video.
Nabanggit din ng TV host ang ilang viral na memes sa kanyang video.
"Seahorse_Voiceover.mp4," sulat niya sa kanyang caption.
Sa comments section, naaliw naman ang netizens at celebrities, kabilang na sina Amy Perez, Ryan Bang, Bela Padilla, sa naturang video ng seasoned actor-comedian.
Kamakailan, nakisaya ang iba't ibang celebrities at personalities sa Vice Ganda dance craze na napanood sa episode ng It's Showtime at agad na nag-trending pa ito sa X.
Samantala, napapanood si Vice Ganda sa noontime variety show na It's Showtime, Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.