
Nagulat daw si Sanya Lopez nang malamang girlfriend na ng kanyang Kuya Jak Roberto ang Meant To Be leading lady nito na si Barbie Forteza.
READ: Barbie Forteza at Jak Roberto, one year nang in a relationship
"Torpe 'yang si Kuya eh. Hindi ko nga alam kung paano naging sila ni Barbie eh. Sabi ko, 'Huh? Barbie Forteza kaya 'yun," natatawang kuwento ng Cain at Abel star sa isang exclusive interview with GMANetwork.com.
Dahil torpe, pasimple raw na tinatanong ni Jak si Sanya tungkol kay Barbie noong nagte-taping sila para sa The Half Sisters.
"Tinatanong niya, 'Kumusta siya? May nanliligaw ba sa kanya? Start siya sa ganun. 'Kumusta taping mo?' Siguro before pa ng The Half Sisters baka crush na ni Kuya si Barbie, hindi lang talaga siya nagsasabi. Hanggang sa pinasok na rin siya, ewan ko kung nung time na 'yun naging close na sila."
Paano kaya niya nalaman na may relasyon na ang dalawa?
"Nalaman ko na lang nang minsan dumating kami sa bahay. 'Kayo na?' Sabi niya, 'Bakit? May problema tayo?' (laughs). Pero ang cute nilang dalawa kasi kapag kasama mo sila hindi ka ma-out of place. Ano sila, very magkabarkada lang."