
Dahil nananatiling suspendido ang pagdaraos ng basketball games dahil sa COVID-19 pandemic, sinubukan na ng basketball player na si James Solero ang pagiging delivery boy ng sikat na food courier service upang may pagkakitaan.
Si James ay kasapi ng Pasay Voyagers at naglalaro para sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
Sa panayam ni Kapuso broadcast journalist Mav Gonzales sa 24 Oras, ibinahagi ni James na pinasok niya ang naturang trabaho upang may pangtustos sa kanyang mga magulang.
“Naging malungkot kasi simula nu'ng nabalitaan namin na stop ang MPBL, naisip ko na magtatrabaho na lang muna ako.
Kahit anong trabahong pasukin ko para lang may maibigay ako na sustento para sa magulang ko,” aniya.
Gamit ang kanyang bisikleta, iniikot ni James ang kahabaan ng Makati upang mag-deliver ng mga order ng publiko.
“Kahit sira-sira na 'yung bisikleta ko pinagtitiyagaan ko pa rin,” aniya.
Dagdag pa ni James, dalawa ang shift niya araw-araw at umaabot sa 20 orders ang naihahatid niya kada araw.
Dahil kilala ng mga tagasubaybay ng basketball, may mga pagkakataon umano na tinatanong siya ng ilan kung bakit siya nagdesisyong pasukin ang naturang trabaho.
“Nagugulat sila kung paano daw ako nakapasok sa ganito. Bakit ko raw pinasok ang ganitong trabaho. Sa isip-isip ko na lang, tulong ko na lang sa magulang ko. 'Tsaka sanay naman ako sa kahit anong trabaho,” lahad niya.
Kumikita umano ng 20,000 kada buwan si James basta't sisipagan lang sa pagde-deliver. At kung magbukas na ulit ang basketball leagues, sinabi ng manlalaro na ipagpapatuloy pa rin niya ang pagde-deliver.
“Kung sakaling makabalik ako sa paglalaro ng basketball, hahatiin ko na lang 'yung time ko. Umaga basketball tapos pagdating naman ng hapon, dito na naman ulit ako sa pagde-deliver,” aniya.
Ngayong may pandemya, isa si James sa patuloy na gumagawa ng paraan para patuloy na kumita, kahit pa sa ibang paraan na malayo sa kanyang nakasanayan.
“Kahit na wala tayong basketball, try pa rin natin magsikap o gumawa ng paraan para magkaroon ng pagkakakitaan natin sa buhay,” sabi pa ni James.