
Naghahanda na para sa kanyang dream toy museum ang toy collector na si Yexel Sebastian pero bago 'yan, unti-unti muna niyang inoorganisa ang mga gamit at koleksyon niya.
Dahil sa ilang buwang community quarantine na dulot ng COVID-19 pandemic, nagkaroon si Yexel ng pagkakataon na makapaglinis at mag-ayos ng kanyang mga gamit at makapagbenta rin ng ilan sa mga koleksyon niya.
Natutong din umano siyang maging mas masinop sa pera at gamit.
Source: yexelsebastian (IG)
Sa ulat ng 24 Oras, sinabi ni Yexel na malaking tulong ang pagbebenta niya ng mga paboritong gamit lalo na't sarado ang kanyang mga museum.
Dagdag pa niya, umabot na ng Php1 million ang kinita niya sa loob lamang ng dalawang buwan.
“'Yun pa lang internal ng bahay mo ang gulo-gulo, kaya 'yung utak mo magulo. Tapos marami pa lang pwedeng pagkakitaan sa loob ng bahay.
“So sa 'kin, 'yung mga basura naging pera. 'Yung mga hindi ko na kailangang gamit naging pera lahat. Tapos 'yung bahay medyo lumuluwag na kahit papano,” aniya.
Kamakailan nga ay nag-trending ang post ni Yexel tungkol sa binibenta niyang life-size collection series ng Iron Man sa halagang Php1.4 million. Ayon sa kanya, ang kikitain dito ay gagamitin niya para sa pagbuo ng kanyang dream museum.
“Kailangan natin ng funds. 'Yung totoo kasi niyan, naghahanda ako. 'Yun talagang main dream ko talaga ay maitayo 'yung world's largest toy museum sa Pilipinas.
“Nakagawa na tayo ng apat na museum dati although nagsarado sila lahat. Pero siyempre, hinahanda ko 'yung pinakamalaking toy museum,” ani Yezel.
May bilin din si Yexel sa mga bagong owner ng kanyang mga koleksyon.
“Isa lang 'yung masasabi ko du'n sa bibili, ingatan mo sila. Sabi ko nga du'n sa bibili kung nasa Pilipinas naman siya, kung sakaling masisira siya ire-repair ko ulit.
“Ingatan nila at the same time pagandahin 'yung set up,” sabi pa niya.
Unang nakilala si Yexel bilang isang dancer hanggang sa maging kilalang toy collector.