
Isang bonggang birthday surprise ang inihanda para kay Tekla sa pangunguna ng kanyang beshie at ka-tandem na si Donita Nose.
Mapapanood sa vlog ng Donekla in Tandem ang surprise celebration ng TBATS host para sa kanyang ika-39 na kaarawan.
Upang masorpresa si Tekla, nagpanggap si Donita Nose na gagawa sila ng kanilang video para sa kanilang vlog. Nakapiring ang mga mata ng komedyante nang pumasok sa resort bilang bahagi kunwari ng kanilang challenge.
Nagulat na lamang siya nang makita ang iba pa niyang mga kaibigan tulad nina Boobay, Divine Tetay, Pepita Curtis, at Beks Battalion. Hindi rin siyempre nawala ang kanyang anak na si Aira, ang kanyang ex-wife na si Irene, at ang isa sa kanyang mga kapatid. Samantala, nagpadala naman ng video messages ang ibang kapamilya ng Kapuso comedian na hindi nakarating.
Bago ang kanilang pagititpon ay sinigurado nilang magpa-swab test. Nagsasalo-salo sila sa litsong baka, litsong baboy at iba pang masasarap na handa. Nagkatuwaan din sila sa iba't ibang laro tulad ng agawan ng lobo kung saan may nanalo ng PhP 5,000.
Nabalot ng saya at emosyon ang selebrasyon ni Tekla lalo na't hindi niya inaaasahang magkakaroon siya ng magarbong selebrasyon. Sanay na raw kasi ang komediyante na hindi ipinagdiriwang ang kanyang birthday.
Mensahe niya, “Sa lahat ng mga kaibigan ko na nandito, hindi ko inexpect 'to. As in totally blind ako ngayong araw na 'to kasi wala… kasi naka-mindset na ako na 'Okay, ganun na siguro. Every birthday ko walang magaganap.'
"So nakapako na ako doon. Sige, okay lang. Kung ano ano, papalipasin ko nalang. Pero this could be as sobrang espesyal na araw sa loob ng 39 years mula noong isinilang ako. This is the first time.
“Thank you, thank you so much sa lahat ng nandito. You are real friends. Talaga, kasi may kanya-kanya kayong pupuntahan pero nagbigay kayo ng time sa isang ta. Kakaiba 'yun. And ite-treasure ko 'yun. Thank you, thank you so much beshie dahil ikaw ang pasimuno nito.”
Panoorin ang kanyang celebration dito:
Samantala, nagpasalamat din si Tekla sa Diyos, sa kanyang pamilya, mga kaibigan at supporters sa pamamagitan ng kanyang social media pages.
Aniya, “LORD napakabuti mo sa akin. Salamat sa buhay na pinagkaloob mo sa akin mula sa sinapupunan nang nanay ko hanggang sa loob ng 39 years. Salamat sa iyong pagmamahal at biyaya sa akin. Salamat sa buhay ko Panginoon. Wala ako sa mundong ito kung wala ang iyong proteksyon, pagmamahal at biyaya.
"Salamat sa nanay at tatay ko, sa mga anak at pamilya ko at sa mga nagmamahal at sumusuportang mga totoong kaibigan, nagmamalasakit meron man o wala.
“Salamat sa tahanan ko, GMA Network at sa beshey antie Donita Nose, Boobay, Rhoenna Deunida, Jhie Allianna blog, Jon Santos, Eats Jeremy Blog, Beks Battalion, Beks Friend, Tetay TV, at sa lahat ng mga ka-Tandem na walang sawa sa supporta ng Donekla channel, at sa mga nakaalala sa birthday ko. I love you all.
"To God be the Glory. Praise God at salamat sa mga biyaya at sa panibagong taong pinagkaloob mo sa akin. Happy birthday to me.”
Happy birthday, Tekla!
Silipin din ang mga pinagdaanang pagsubok at tagumpay ni Tekla sa gallery sa ibaba: