
Naisugod sa ospital ang actor-model na si Diether Ocampo, matapos sumalpok ang minamaneho nitong SUV sa likuran ng isang dump truck kaninang hating gabi sa Makati City.
Ayon sa report ng Unang Balita, bumangga ang sasakyan ni Diether sa nakaparadang dump truck sa service road ng Osmeña Highway south bound bago makarating ng Arnaiz Aveñue.
Sa panayam ni Darlene Cay kay Joel Alicante na Bantay Bayan ng Barangay Pio Del Pilar, napansin nito na tila ayaw magpakuha sa mga rescuer si Diether.
Kuwento nito, “Parang nagre-resist siya parang ayaw niya magpadala, e. Parang ayaw siya magpakuha sa mga Red Cross personnel.”
Nasaksihan naman ng garbage collector na si Nilo Villanueva ang nangyaring pagsalpok ng kotse ni Diether. Aniya, “Nagdadakot kami kasi dito, sir, e. Galing ho siya doon, bumubulusok, 'pag bangga niya diyan nagulat na lang kami. Napatakbo nga kami, kasi akala ko ano'ng nangyari. E, nakita ko na lang na bumangga na siya diyan.”
Agad din daw sila humingi ng tulong sa pulisya, “Tapos pumunta na ako sa presinto, tumawag po ako ng pulis.”
Sa dagdag na panayam kay Joel Alicante, naibahagi rin ni Diether kung saan siya galing, bago siya maaksidente.
Sabi ni Alicante, “Galing daw siya sa mga associate business niya mga kasama niya, ayun! 'Pag umuwi na e, ayun na nangyari.
“Naka-ano 'yung dump truck e, naka-stop dito e, dahil nagta-trabaho sila. Naka-hazard naman 'yung dump truck 'di niya siguro napansin, siguro nakatulog na siya,e.”
Pagkumpirma rin nito, “Positive po naka-inom.”
Ayon sa parehong ulat ni Darlene na hindi na nagawa ng kanyang team na makapanayam ang aktor, dahil dinala agad ito sa ospital.
Sa nakuhang statement ng 24 Oras mula sa Star Magic noong February 4, na binasa ni Atom Araullo, nagpapagaling na si Diether sa ospital at nagpasalamat din sila sa lahat ng mga nagdasal para sa agarang pagaling ng aktor.
Naglabas naman ng isa pang official statement si Diether Ocampo na i-pinost sa Instagram account ng Star Magic noong February 5.
Dito, humingi siya ng paumanhin sa mga nangyari at binigyan-linaw din ng aktor ang ilang detalye bago nangyari ang aksidente.
Saad niya, “On February 3, 2022, I had a long and exhausting meeting which lasted until almost midnight. As I was driving home, I figured in a vehicular accident involving my SUV and a truck.
“I am relieved that no one else got hurt and I apologize for any inconvenience I may have caused due to the unfortunate accident, especially to the other party.”
Taos-puso rin ang pasasalamat ni Diether sa Philippine Red Cross sa paglapat sa kanya ng paunang lunas, pati na rin sa staff ng Makati Medical Center na nag-asikaso sa kanyang mga sugat.
“Thank you sincerely to everyone onsite, from the people who called for help, the first responders, and especially to the Philippine Red Cross personnel who rushed me to the hospital.
“I also wish to express my gratitude to the doctors, nurses and staff at the Makati Medical Center for taking good care of me.”
Balikan ang kuwento ng ilang celebrities sa mga aksidenteng naranasan nila sa gallery na ito.