
Hindi napigilan ng mom-to-be na si Winwyn Marquez na sagutin ang komento ng isang netizen tungkol sa kaniyang non-showbiz partner kung bakit hindi pa rin niya ito ipinakikilala sa publiko.
Sa latest Instagram post ng Miss Reina Hispanoamericana 2017 title holder, may pasilip siya sa kaniyang maternity shoot kasama ang kaniyang partner na bahagya lamang pinakita ang mukha.
Isang netizen ang nag-iwan ng komento sa post at sinabing, “Wyn ginawa mo naman maligno si partner 'yung basta nasulpot sa mga pix [picture]. Sana 'di siya pamilyado na kaya palagi nagtatago/ tinatago.”
Agad naman tumugon ang Kapuso actress na binigyan-diin na wala siyang nakikitang problema kung pinipili niya na maging pribado ang katauhan ng kaniyang non-showbiz partner.
Paliwanag niya, “'Pag nasulpot lang sa pics problema ba 'yun? 'Pag 'di naman nakikita pamilyado agad o kaya nagtatago agad?”
Sa isang vlog ni Winwyn noong Enero, nagsalita ang kanyang partner sa mga sobrang affected kung bakit hindi ipinapakita ng aktres ang kaniyang mukha.
Saad nito, “Siyempre 'yung personal life niya, there's certain things lang na it's still nice to keep private. And I think a lot of people naman will agree na 'yung privacy na 'yun it's so hard to keep, so as much as possible na you can keep it, maganda na ma-keep mo siya.”
Samantala, mas marami naman ang na-excite sa latest maternity photos ni Mommy Winwyn tulad ng kaniyang Owe My Love co-star na si Ruby Rodriguez at Arron Villaflor.
Baby girl ang inaasahang anak ni Winwyn base sa kanyang gender reveal party.
Balikan ang ilan sa shocking celebrity pregnancies sa gallery na ito.