
Very proud na ibinahagi ng celebrity mom na si Neri Naig ang kaniyang winning moment sa social media kung saan makikita ang mga larawan ng pagtanggap niya ng diploma bilang pagtatapos sa kolehiyo sa kursong Business Administration sa University of Baguio.
All-smiles si Neri suot ang kaniyang graduation toga habang nagmamartsa at umaakyat ng entablado upang tanggapin ang kaniyang diploma.
"GRADUATE NA AKOOOOOO!," caption ni Neri sa simula ng kaniyang post.
Spotted din sa mga larawan na ipinost ni Neri ang kaniyang supportive husband na si Chito Miranda na kaniya ring pinasalamatan sa nasabing post.
Aniya, "Thankful ako sa asawa kong palaging andyan for me to support me. Masaya lang siya kahit nasa gilid lang at pinapalakpakan ako sa mga achievements ko.
"Mas magaan ang buhay kapag may nag-e-encourage sa'yo at naniniwala sa kakayahan mo. Thank you, asawa ko. Mahal na mahal kita."
Ibinahagi rin ni Neri na nais niyang maging inspirasyon para sa mga taong nagsusumikap upang makapagtapos ng pag-aaral.
Aniya, "Sa lahat ng nakakabasa nito, kung kaya ko, mas kayo n'yo. Kung wala pang budget, mag ipon ka lang. Iba iba man ang journey natin, 'yung iba mas mauuna, may male-late lang konti, meron matagal talagang dumating kagaya ng sa akin."
Malaking tulong kay Neri ang pagiging positibo niya kahit pa mahirap at hindi naging madali ang kaniyang pinagdaanan sa pag-aaral.
"Hindi naging madali sa akin lahat ha? Pero dahil palagi akong positibo na darating ang para sa akin, naghintay lang ako at habang naghihintay, ginagawa kong productive ang sarili ko. Para kapag ibinigay na ni Lord ang tamang panahon para sa akin, I am ready," saad niya.
Sa huling bahagi ng kaniyang caption ay nagbigay din ng payo si Neri.
"Kaya hahawaan ko kayo ng pagiging wais sa buhay, sa oras, sa pananaw sa buhay. Basta maging mabait lang sa lahat. Maging masaya sa success ng ibang tao at gawing inspirasyon to, maging fair sa lahat lalo na sa sarili mo, umiwas sa mga toxic na tao, manalig kay Lord, magtiwala sa sarili, at higit sa lahat mag-share ng blessings," aniya.
Sa comment section, nagbigay naman ng pagbati para kay Neri ang ilang mga kaibigan niya sa showbiz gaya nina Family Feud host Dingdong Dantes, Camille Prats, Mariel Padilla, Rico Blanco, Pia Wurtzbach, at Nadine Samonte.
Samantala, kilalanin naman ang iba pang celebrities na nakapagtapos ng pag-aaral sa gallery na ito: