
Marami ang naka-miss sa Kapuso actress na si Andrea Torres. Matapos ipalabas ang Legal Wives sa GMA Telebabad noong 2021, ngayon lang muli mapapanood sa free TV si Andrea na gumaganap bilang Sisa sa historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra.
Kaya naman naging masaya at maintriga ang kuwentuhan nang mag-guest ang aktres sa podcast program na Updated With Nelson Canlas.
Bukod sa career at family, isa sa mga tinutukan ng mga nakikinig sa podcast ay ang topic tungkol sa love life ng actress.
Ayon kay Andrea, single siya ngayon at hindi naghahanap ng "The One." Mas gusto raw nyang pagtuunan ng pansin ang kanyang career. Pero hindi pinalagpas ni Nelson ang pagkakataon na itanong kung sino nga ba ang kanyang TOTGA o The One That Got Away.
"Ako wala, wala. Parang ano naman, na-close naman lahat ng maayos. Hindi ko na inisip na parang 'what if o ano kaya ganito,'" paliwanag ng aktres.
Dagdag pa niya na sa lahat ng kanyang nakarelasyon lagi niyang sinasabi sa kanyang partner na huwag basta-basta bibitawan ang "break na tayo" kapag nag-aaway sila.
"Ayoko nang ganun, kasi tini-take seriously ko talaga 'yun. Kaya siguro para sa akin, kapag nag-end na, talagang ang mindset ko na ay 'okay, move forward na tayo.'"
Sunod naman itinanong ni Nelson kung maiinggit ba sya sa isang tao na karelasyon ang kanyang dating boyfriend.
"Ay hindi, actually nakakatuwa kasi 'yung mga nakarelasyon ko rin before, parang may ilan sa kanila naging friends ko," sagot ng aktres.
"Nakakatuwa rin 'di ba, na parang at least na-save yung friendship ninyo. Tapos 'yung care andoon pa rin, na parang happy ka lang for them kasi syempre kinilala mo itong taong ito. Alam mo 'yung puso ng taong ito," paliwanag ni Andrea.
Abangan ang natatanging pagganap ni Andrea Torres bilang Sisa sa Maria Clara at Ibarra sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras.
SNEAK PEEK: BEHIND THE SCENES OF 'MARIA CLARA AT IBARRA'