
Halatang-halata ang kilig kay Winwyn Marquez nang tanungin tungkol sa kanyang pagkapanalo niya bilang Best Actress para sa pelikulang Nelia sa International Film Festival Manhattan.
Nakapanayam ng GMANetwork.com at iba pang entertainment media si Winwyn sa opisina ng producer ng Nelia, ang AQ Prime, kamakailan.
Dito, sinabi ng dating Owe My Love actress, “Siyempre, ang sarap ng feeling na na-recognized bilang actress this time, lalo na international. Hindi ko alam kung sisigaw pa ako, iiyak ba ako. Kasi, noong nalaman ko, nagpapatulog ako ng baby.
“Noong tinext ako, hinihintay ko pa kung totoo ba kasi baka joke time o baka bawiin pa kasi mali yung sinabing name. Ngayon pa lang nagsi-sink in.”
Itinuturing ng 30-year-old actress na bahagi ito ng pagiging lucky charm ng six-month-old niyang anak na si Luna.
Paliwanag niya, “I consider my child, my daughter as my lucky charm. Kasi, nung in-announce ko na pregnant ako, ipapalabas pa lang yung Nelia. I was almost six months. Ngayon, magsi-six months na rin siya, may award pa akong Best Actress for Nelia.”
Dagdag pa niya, “Noong first ko rin na bumalik sa work, nagkaroon ako ng movie with Nora Aunor, after kong manganak sa kanya. So, feeling ko, siyang, 'Mama, ito yung gagawin mo,' yung lucky charm ko talaga, e. Yun yung iniisip ko, so mas motivated talaga ako to do well.”
Bagamat isa na siyang award-winning actress, sinigurado ni Winwyn na hindi siya magbabago at hindi siya magiging pihikan sa trabaho.
“Lucky din ako na yung mga binibigay sa akin talaga magaganda 'yung script. It will depend on the script given to me. Pero I've been vocal naman, ever since bago pa ako makakuha ng award, hindi ko talaga kayang gumawa ng sexy at saka daring lalo at mommy na ako. I don't think I can do that.
“Pero 'yung mga binibigay naman sa akin na script, kung maganda o kung okay, gagawin ko 'yun. Kasi, on top of my head, ang priority ko is to work for my child, hindi na for me. So, I don't think mapili, as long as maganda 'yung script and 'yung role na ibigay sa akin.”
Nagpapasalamat din siya na hindi niya kinailangan nang mahabang break sa showbiz dahil suportado ng kanyang non-showbiz partner ang career niya. Sa katunayan, tatlong buwan pa lamang si Baby Luna ay nagbalik na sa trabaho si Winwyn, kung saan gumawa siya ng pelikula kasama ang National Artist for Film na si Nora Aunor.
Aniya, “Ang nangyari lang kasi yung partner ko, he's very supportive, na 'You have to go back to have a sense of normalcy. Hindi 'yung nasa bahay ka lang.'"
Dagdag pa niya, “parang mas mahirap bumalik… Mentally, mas mahirap bumalik kasi it was also hard for me the first few months, e. So, siya 'yung nagpu-push, 'Sige, mag-work ka kahit paunti-unti.'
“It helped me now, nakabalik ako kahit papaano, kahit paunti-unti. Kaya lang, 'yun nga, kailangan balikan, mag-aayos kami ng schedule. Kung ako y'ung may work, he'll try to stay at home, kailangan ko lang bumalik bago siya mag-work. Napag-uusapan naman.”
Sa ngayon, dahil naka-lock-in taping pa rin ang karamihan ng mga ginagawang teledrama, hindi pa rin makapag-commit si Winwyn dahil ayaw niyang matagal na mahiwalay sa kanyang anak.
“Mapili ako ngayon sa scheduling kasi I can't leave my daughter sa yaya lang. Dapat it's either ako ang mag-aalaga or 'yung dad lang,” sabi ng aktres.
“Kahit may yaya kami, ako pa rin 'yung talagang nag-aalaga. Iba 'yung feeling kapag ako, e. Minsan nga kahit 'yung daddy na 'yung [nag-aalaga], parang gusto kong agawin sa daddy niya, e. Gusto ko, ako, e, ganun pala talaga. Hindi ko kayang iwan talaga nang matagal.”
SAMANTALA, TINGNAN ANG MOMMY LIFE NI WINWYN SA GALLERY NA ITO: