
Kapansin-pansin na masayang-masaya ang comedian-actress na si Kiray Celis sa kanyang love life.
Kamakailan lang, muling nagbahagi ng appreciation message si Kiray sa kanyang boyfriend na si Stephan Estopia at sa kanilang relasyon.
Base sa kanyang post, isang healthy relationship ang mayroon sila at marami siyang ipinagpapasalamat tungkol dito.
Sulat niya sa caption ng kanyang latest post, “Ang sarap magmahal kapag hindi ka stress sa partner mo. 'Yung hindi siya dagdag sa alalahanin mo."
Kasunod nito, sinabi niyang tuwing napapagod siya ay tinutulungan pa siya ni Stephan na magpursigeng magpatuloy lang sa buhay.
Sabi niya, "Yung hindi na kailangan bantayan dahil alam niya yung tama at mali. 'Yung kahit pagod ka na, mino-motivate ka niya magpatuloy.”
“Ang sarap mag-stay sa relationship na hindi issue ang tiwala at hindi nauubos ang oras sa pagtatalo. Naka-focus lang kayo sa progress at success ng buhay niyong dalawa na magkasama,” dagdag pa ni Kiray.
Samantala, sa guest appearance ni Kiray sa documentary program na Stories of Hope noong 2021, ibinahagi niyang natuklasan na niya ang tunay na kahulugan ng pag-ibig sa kanyang boyfriend na si Stephan.
Makikita sa social media accounts ng couple ang kanilang sweet photos at romantic surprises sa isa't isa.