
Sa kauna-unahang pagkakataon, narinig ng publiko ang ilang mahalagang detalye tungkol sa buhay ng veteran actor na si Leo Martinez.
Sa latest vlog ni Snooky Serna, nagbigay ng pahayag si Leo tungkol sa kanyang anim na anak.
Kabilang sa mga ito, ang anak niya sa yumaong batikang aktres na si Cherie Gil.
Ang pagmamahalan noon nina Leo at Cherie ay nagbunga ng isang anak, si Jeremiah David Gil Eigenmann o si Jay.
Lumabas ang naturang rebelasyon at ilan pang detalye nang magpakita si Snooky ng ilang throwback photos kay Leo.
Una na rito ang photo ng panganay niyang anak na si Lesley habang kasama ang asawa ng una na si Gina Valenciano, na kapatid ng singer na si Gary Valenciano.
Pagbabahagi ng aktor, “1988 iyan, dahil iyan ang first baby namin ni Gina, si Lesley, who is the mother of my apo.”
Ayon kay Leo, 36 years na silang kasal ni Gina at biniyayaan sila ng tatlong anak.
Sunod naman ay ipinakita ni Snooky ang photo ni Leo na napapalibutan ng kanyang anim na anak.
Reaksyon ng aktor dito, “Ito yung family picture namin with my six kids.”
Sabi niya, “Whenever they ask me, 'Ilan ang anak mo?' Ang sagot ko - two, one, three. Two sa una, one kay Cherie [Gil], three kay Gina.”
Base sa naging pahayag ni Leo, maayos ang relasyon at turingan ng lahat ng kanyang anak.
“Up to now, they're seeing each other in the States,” sabi niya.
Reaksyon ni Snooky sa photo ni Leo at ng kanyang mga anak, mukhang super close raw ang lahat ng anak ng huli.
Sagot naman ng aktor, “Oo, kasi when she [Cherie Gil] was alive, Cherie and Gina were best of friends.”
Embed: https://www.youtube.com/watch?v=eQjDkdcFtOE&t=898s
Samantala, napapanood ngayon ang veteran actor-comedian na si Leo sa hit GMA series na Abot-Kamay Na Pangarap.
Ginagampanan niya ang karakter ni Lolo Pepe, ang lolo ng pinakabatang doktor sa bansa na si Doc Analyn (Jillian Ward).