Celebrity Life

Jessica Soho at Pia Arcangel, matchmakers nina Mariz Umali at Raffy Tima

By Racquel Quieta

Marami ang kinikilig sa sweetness ng mag-asawang Mariz Umali at Raffy Tima o Team Marffy, lalo na sa kanilang car-aoke sessions tuwing sila'y may out of town getaway.

Pero paano nga ba nabuo ang pagtitinginan ng Kapuso reporters na sina Mariz at Raffy?

'Yan ang isa sa mga ibinahagi nila sa kanilang guest appearance kamakailan sa 'Tunay na Buhay.'

Eight years nang mag-asawa ang Team Marffy at saksi ang kanilang mga katrabaho sa GMA News and Public Affairs kung paano umusbong ang kanilang pagmamahalan.

Sa kaniyang interview sa Team Marffy, ikinuwento ng 'Tunay na Buhay' host na si Pia Arcangel na isa siya sa unang nag-udyok kay Raffy na ligawan si Mariz noon.

Sina Raffy Tima at Mariz Umali sa Tunay na Buhay / Source: Tunay na Buhay

“Napansin ko si Raffy tingin nang tingin sa'yo habang sumasayaw ka. Iba 'yung tingin ni Raffy sa'yo kaya ako napatingin kay Raffy na parang, 'Bakit ganun tingin mo kay Mariz? Hindi naman ganun tingin mo kay Rhea. (laughs)”

Sumang-ayon naman dito si Mariz. Ani Mariz, “May trivia rin ako. Matchmaker talaga po si Pia. (laughs)”

Sa nasabing interview, inalala rin ni Raffy kung paano siya nag-propose noon kay Mariz sa tulong ng cast ng 'Amaya' sa pangunguna ni Marian Rivera at ang director nitong si Mac Alejandre.

“Sikat na sikat siyempre 'yung 'Amaya.' 'Yung director kasi nun naging friend na rin namin. Kinontak ko lang naman siya. Pumayag kaagad siya. Tapos siya pa actually gumawa ng mini-script.

“So 'yun, pinalabas ko na, 'Meron na ako actuall footage ng ending. Gusto n'yo mapanood?'”

Kitang-kita ang gulat sa mukha ni Mariz ng biglang lumitaw si Raffy sa eksena ng 'Amaya' na kanilang pinapanood at bigla itong lumuhod at nag-propose sa kanya.


Sa kanilang 'Tunay na Buhay' interview, sinorpresa rin sina Mariz at Raffy ng kanilang ninang at batikang broadcast journalist na si Jessica Soho.

Nagpadala ito ng isang video message kung saan ibinulgar ng KMJS host na isa siya sa mga tumutukso kina Raffy at Mariz noon.

“Single pa sila noon, tinutukso na namin sila sa newsroom at isa ko dun sa mga nakikitukso sa kanila. Natutuwa ako that they ended up together kasi I think pinapatunayan lang na if you marry your best friend, matibay na relasyon 'yon.

“So kay Mariz and Raffy, I hope they continue to have a good life together, a happy life together.

“Mariz and Raffy, I wish you well. Be safe, happy and healthy.”

Pinag-usapan rin sa kanilang 'Tunay na Buhay' interview kung kalian nga ba nila planning magka-baby.

Sabi ni Raffy, “Of course, in God's perfect time. Pero ngayon kasi may ibang consideration kasi 'di ba may pandemic at bakuna.

“So, hinihintay naming magka-second jab (ng COVID-19 vaccine) tapos tuloy ulit 'yung operation.”

“Operation Baby Marffy,” natatawang sambit ni Mariz.

Panoorin ang kanilang paglalaro ng nakakatuwang “Who's more likely to” game sa 'Tunay na Buhay' video sa ibaba.

Para sa mas marami pang celebrity features tulad nito, panoorin ang 'Tunay na Buhay' tuwing Miyerkules, 11:30 p.m. sa Power Block ng GMA-7.

Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang Mars Pa More sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, visit www.gmapinoytv.com.

Kilalanin ang ilan pang personalidad na nagmistulang kupido sa iba pang celebrity couples.