Abogado ni Michelle Dee: 'Physically Impossible' ang alegasyon sa isinampang reklamo sa aktres

Pinabulaanan ng abogado nina Michelle Dee at Rhian Ramos na si Atty. Maggie Garduque ang reklamong isinampa ng driver ng huli laban sa dalawang aktres, at sinabing “physically impossible and also incredible” ang naging salaysay nito.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, ibinahagi ni King of Talk Boy Abunda ang video message ng abogado tungkol sa kasong kinakaharap ngayon nina Michelle at Rhian.
Ani Garduque, imposible ang sinasabi ng driver ni Rhian na pambubugbog at illegal detention sa kaniya noong January 17, lalo na at nasa Iloilo buong araw si Michelle.
“Physically impossible and also incredible kasi based on the allegations of the driver, nangyari daw 'yung alleged mauling and illegal detention, January 17 to 19, 'yung mga period na sinabi niya. However, records would show na si Michelle Dee was in Iloilo ng buong araw ng January 17, and she was able to go back to Manila only on January 18,” sabi ni Garduque.
Meron din umanong plane tickets at social media posts na nagpapatunay na nasa Iloilo nga si Michelle.
Papgpapatuloy ng abogado, ang pagdala sa driver ni Rhian noong January 19 sa police station at pagpapamedical ay regular na procedure para sa isang inquest investigation na hiniling ni Michelle.
“There was no sign of any injury na nakita sa medical doon sa inquest. Otherwise, dapat nalagay na iyon or na-alleged du'n sa inquest investigation,” sabi ni Garduque.
Pagpapatuloy pa niya, “Isa pa doon is para sa amin, 'yung allegations niya doon sa nangyaring mauling, hindi siya nagma-match doon sa mga injury na pinakita niya doon sa interview.”
Pag-alala ni Garduque, ang sinabi ng driver ni Rhian ay sinuntok, sinipa, at binugbog siya sa buo niyang katawan at maging sa mukha. Ngunit base sa ipinakitang injuries ng driver sa panayam sa kaniya sa TV, malinis ang katawan ng driver at walang makitang injuries.
“Noong pinakita niya sa media kahapon 'yung mga alleged injury niya, napakalinis nu'ng katawan niya. Tapos wala rin siyang injury sa mata, so kumbaga 'yung mga affected areas supposedly based on his allegations ay malinis and would not support 'yung sinasabi niya na nagkaroon ng mauling o pambubugbog sa kaniya for three days. Otherwise, the injury and the bruises should be manifested in his body,” sabi ni Garduque.
Ayon pa sa abogado, wala rin umanong layunin na ikulong ang driver dahil kung meron man, hindi sana ito dinala sa police station noong January 19 nina Michelle at ng isa pang bodyguard.
“If there was an intent to detain, dapat, hindi siya dinala sa police station for proper investigation ng authorities,” dagdag ni Garduque.
Samantala, inimbitahan din ni Boy sina Rhian, Michelle, at ang beauty queen na si Samantha Panlilio na isa sa mga pinangalanan ng driver na nambugbog umano sa kaniya, sa naturang GMA Afternoon Prime talk show para ibahagi ang kanilang kwento ukol dito.
RELATED: Mga celebrities na ninakawan

































































