Aiai Delas Alas, may mensahe sa pagpapakasal ng ex-husband na si Gerald Sibayan

Nagsalita na si Aiai Delas Alas tungkol sa pagpapakasal ng kaniyang dating asawa na si Gerald Sibayan sa non-showbiz girlfriend nito sa America.
Nakausap ng Fast Talk with Boy Abunda si Aiai at sinabi umano niya kay King of Talk Boy Abunda na inaasahan na raw ng Comedy Concert Queen ang araw na magpapakasal si Gerald. Kailangan kasi umano ito para manatili ang kaniyang dating asawa sa Amerika.
“Alam naman natin na mangyayari 'yan. Expected ko na 'yan noong hiniwalayan niya ako. Kailangan niya na mag-stay sa America kaya kailangan niya na magpakasal,” sabi ni Aiai.
Hiling lamang ng comedienne, “Sana lang, huwag niyang gawin sa iba ang ginawa niya sa akin.”
Ayon pa kay Boy, Asian-American ang napangasawa ni Gerald kaya maaari na siyang mag-apply muli para sa US citizenship matapos ipa-revoke ni Aiai ang US citizenship petition nito, kasunod ng kanilang hiwalayan.
Sa pag-uusap nila, sinabi rin ng Comedy Concert Queen sa batikang host na alam niyang English-speaking ang napangasawa ni Gerald.
“English-speaking ang babae na pinakasalan niya kasi isang buwan bago ako iniwan ni Gerald, Ingles na rin ang pakikipag-usap niya sa akin,” sabi ni Aiai.Sa huli, pinasalamatan ni Aiai ang mga taong nagpapadala sa kaniya ng mga mensahe ng suporta at pagmamahal.
“Maraming salamat po sa mga nagpapadala sa akin ng mga mensahe na suporta. Maraming salamat sa walang sawang pagmamahal ninyo sa akin mula noon hanggang ngayon,” sabi ni Aiai.
Sabi pa ng Comedy Concert Queen, “Wala po kayong dapat ipag-alala. Okay na okay po ako, sa tulong ni Lord at ni Mama Mary. Huwag po kayong magpaapekto sa pagpapakasal niya dahil hindi naman po ako apektado. Matagal na po akong moving forward.”
Noong 2024, kinumpirma ni Aiai sa parehong GMA Afternoon Prime talk show ang hiwalayan nila ni Gerald. Noon ay sinabi niyang wala naman silang away o hindi pagkakaintindihan, kaya't laking gulat niya nang makipaghiwalay ito sa pamamagitan ng text.
Noong 2026 naman ay naging legal na ang divorce ng Comedy Concert Queen at ng kaniyang dating asawa. Para kay Aiai, nagsilbi itong bagong simula sa kaniyang buhay.
BALIKAN ANG NAGING KWENTONG PAG-IBIG NINA AIAI AT GERALD SA GALLERY NA ITO:







