Lubos mang nasaktan si Comedy Concert Queen Aiai Delas Alas sa hiwalayan nila ng dating asawang si Gerald Sibayan, sinabi ng komedyanteng napatawad na niya ito, at maging ang dalawa pa niyang ex-husbands.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, February 12, inamin ni Aiai na simula nang magkahiwalay sila ni Gerald ay hindi na sila nagkita pang muli.
“I think siguro God's will muna na hindi kami [magkita]. Pero alam mo, nakakatawa, ama, kahit yung second ex-husband ko, hindi ko pa rin nakikita hanggang ngayon, yung walang kasalubong. Although taga-Pilipinas yun, minsan nasa Amerika kasi US citizen din yun, wala. Weird, 'no?” sabi ni Aiai.
Ngunit ang unang asawa niyang si Miguel Vera, nakikita niya at sa katunayan, magkaibigan sila.
Tingnan ang buong kwento ni Aiai dito:
Kahit nasaktan nang mahiwalay sa kaniyang ex-husbands, aminado si Aiai na napatawad na niya ang mga ito.
Paliwanag ni Aiai sa pagpapatawad niya, "I forgive them not because it didn't hurt, but because I deserve rest."
Noong nakaraang buwan, bumisita si Aiai delas Alas sa shop ng kilalang internet personality na si Boss Toyo. Dito, ibinenta ng komedyante ang singsing nila ni Gerald sa halagang PhP250,000.
Nang tanungin ni Boy kung bakit niya ibinenta ang singsing, sagot ni Aiai, "Wala lang, para pagkakitaan ko. Char! Hindi, para hindi ko na lang rin makita and kasi yun yung parang requirement din na ano 'yung pwede mong maibenta na may kahulugan."
Dagdag pa ni Aiai, ayaw na rin niyang nasa kaniya pa ang singsing kaya pinagkakitaan na lang niya ito. Parte pa umano ng nakuha niya ay ibinigay niya sa cancer patients.
Pag-amin ni Aiai, nagkaroon na ng pagkakataon na gusto na niyang sukuan ang pag-ibig.
Kahit nandiyaan naman si Jesus at Mama Mary para sa kaniya, iba pa rin kapag may mga "pang-tao" na okasyon, "'Pag may mga 'yung pang-taong okasyon like Christmas, ngayong Valentine's, new year. Naranasan ko kasi na wala 'yung mga bata, so na-realize ko na ang lungkot mag-isa."
Nilinaw naman ni Aiai na kaya naman niya ang mag-isa, lalo na at meron naman siya umanong chat mates.
Sa ngayon, masasabi umano ni Aiai na hindi pa handa ang puso niyang magmahal muli.
Tinanong ni Boy kung ano ang mga "sana" niya sa buhay, sagot ni Aiai delas Alas, "Meron din. Sana nu'ng bata pa ako, bata rin ýung napangasawa ko na magkakasundo kami na forever kami." Aniya, pangarap niya ang buong pamilya lalo na't hindi niya ito naranasan dahil adopted siya.