Muling nagbabalik si AJ Raval sa pag-arte sa isa sa mga upcoming episode ng drama anthology series na Magpakailanman. Dito, gagampanan ng aktres ang role ng isang batang ina.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, May 11, inamin ni AJ na naka-relate siya nang husto sa kaniyang karakter lalo na at gaya nito, batang ina rin ang aktres.
“Nakaka-relate po ako sa kaniya, confusion, mixed emotions ni Sienna, 'yung sacrifices po niya, 'yung pagod niya, 'yung paghihirap niya, even financially, before, nakaka-relate po ako sa kaniya,” sabi ni AJ.
Alamin ang buong karanasan ni AJ bilang isang ina sa gallery na ito:
Paglilinaw ni AJ, wala sa plano nila ng dating partner ang mabuntis siya lalo na at mga bata pa sila noon. Sa katunayan, takot na takot nga siya nang makita ang faint line sa pregnancy test niya.
Aminado rin si AJ na takot siyang aminin noon sa kaniyang mga magulang. Ang reaksyon ng nanay niya noon, tahimik umano at umiiyak lang. Ngunit hindi niya umano masabi sa ama na si Jeric Raval ang sitwasyon.
Sabi ni AJ, wala naman siyang inamin sa amang si Jeric. Ngunit nang bumisita ito minsan sa kaniya ay nagtatanong ito. "Bumisita siya sa bahay namin. Bigla lang siyang nagtanong, 'Buntis ka ba?' Tapos hindi ako nagsasalita, basta siya lang ang nagsasalita. Tapos sabi niya, 'Wala na, wala na, nandiyan na 'yan, e. 'Wag na nating gawing problema 'to. Alagaan,'" sabi ni AJ.
Inamin din ni AJ na bilang bata pa siya noong nabuntis, nagkaroon siya ng mga tanong sa sarili, "Nandu'n 'yung 'Paano 'yung pangarap ko? Paano yung buhay ko? Paano 'yung future ko?'"
Masasabi rin ni AJ na, gaya ng ibang mga ina, naging mahirap din ang pagbubuntis niya lalo na sa panganay na anak.
Nahinto panandalian din ang karera niya noong nagbuntis siya. Sabi ni Aj, "That time, 'yun po 'yung time na nagwo-workshop po ako sa Artist Center. I got pregnant, and then bigla na lang po akong hindi uma-attend sa mga workshop."
Aminado si AJ na naging mahirap ang buhay nila ng unang anak, lalo na at naghiwalay din sila ng partner niya kalaunan. Ngunit kahit gaano kahirap umano ang buhay noon, puno naman siya ng pagmamahal para sa anak.
Sabi ni AJ, "Siyempre po 'pag nanganak na po kayo, mahirap, lahat, lahat ng paghihirap nandoon. Pero at the same time, once makita mo na 'yung anak mo, andu'n na lahat ng love. Mahal mo na agad 'yun."
Noong una, tinanong ni AJ kung ano na ang kahihinatnan ng buhay at pangarap niya. Kalaunan ay tinanggap niya ito, "Naisip ko po na ito na po 'yung buhay ko, ito na po 'yung plano for me, i-embrace ko na lang 'yung nangyayari."
Sa huli, napagtanto ni AJ, "Naisip ko lang din po, never stop chasing your dreams. You chase your dreams with your child."