Kilala sina Andres at Atasha Muhlach bilang ang kambal na anak nina Aga at Charlene at bilang mga anak ng artista, kadalasan, may sinusunod dapat silang image. Ngunit iba umano ang pagpapalaki ng mga ito sa kanila, bagay na dala pa rin umano nilang magkapatid magpahanggang ngayon.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, sinabi ni Andres na puno ng suporta at pagmamahal ang pagpapalaki nina Aga at Charlene sa kanila ng kakambal na si Atasha. Ginagabayan umano sila ng mga ito nang hindi umaabot sa pagiging controlling.
Alamin kung papaano pinalaki nina Aga at Charlene sina Andres at Atasha sa gallery na ito:
Ibinahagi ni Andres kung papaano sila ni Atasha pinalaki nina Aga at Charlene, "Parang they just raised us for who we are and they raised us in a way na parang 'Be yourself always' e, be nice."
Aminado rin si Andres na napapalo rin naman sila noon ni Atasha, lalo na 'pag nagagalit ang kanilang mga magulang.
Ngunit paglilinaw ng aktor, parte lang naman ito ng pagdidisplina ng kanilang mga magulang sa kanila. Ani Andres, "I believe kasi kailangan talaga ng discipline, that's how you learn, and parang just a normal way of raising your kids."
Para kay Andres, kapareho niya ng ugali ang parehong magulang. Aniya, nakuha niya ang pagiging maalaga ni Charlene, at ang energy at pagiging lively naman ni Aga.
Pagdating naman sa love life, sabi ni Andres, hindi rin nagkulang na magbigay ng payo ang kanilang mga magulang. Ngunit paglilinaw niya, hindi naman sila naging controlling.
Sa katunayan, nakakakuha pa umano si Andres ng ilang tips sa panliligaw mula sa amang si Aga. Bilin umano ng original heartthrob, maging maaalalahanin. "Parang being able to think of the person that you like without even them having to remind you, parang 'yun 'yun. I think that's the biggest tip," sabi ng aktor.
Bilang anak ng mga batikang aktor, hindi na malayo makaramdam ng pressure si Andres. Ngunit pag-amin niya, bago niya nakita sina Aga at Charlene bilang mga aktor, nakita muna niya sila bilang magulang. At dahil dito, hindi siya masyadong nakaramdam ng pressure.
Saad ni Andres, "They were just my mom and dad, they're my parents and the way I see it, is like the pressure of the surname, I'm sure there is that but I try not to look at it like that. And I just wanna do good work talaga."
Aminado naman si Andres na bago pa siya sa industriya at marami pa umano siyang dapat matututnan. Kaya naman, ini-enjoy lang niya ang proseso at ang ginagawa niya ngayon.
Imbis na pressure, payo umano ang bigay ng kaniyang mga magulang kay Andres, "Alam mo 'yung advice nila talaga, Tito Boy, is always be nice. 'Yun talaga 'yung una. Be nice, pangalawa, be yourself, 'yun 'yung importante talaga, at third, have fun. Enjoy, enjoy the process."