Pinatunayan ng “Chicks 2 Go” podcast hosts at comediennes Ashley Rivera at Hershey Neri na epektibo ang manifestations nang ibahagi nila ang mga pangarap na natupad nila kamakailan lang.
Matatandaan na ipinakilala si Ashley Rivera bilang pinakabagong calendar girl ng isang whisky brand. Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, sinabi ng aktres na hindi lang niya ito minanifest, nagparinig siya para dito.
Samantala, natupad naman ni Hershey ang kaniyang movie dream nang bumida siya sa pelikulang “Ang Happy Homes ni Dianne Hilario” kasama si Angeline Quinto.
Alamin kung papaano nga ba natupad nina Ashley at Hershey ang kanilang manifested dreams sa gallery na ito:
Malaki umano ang paniniwala nina Ashley at Hershey sa pag-manifest ng kanilang mga pangarap. Sa katunayan, ang mga bagay na minanifest na nila noon ay natupad na ngayon.
Hindi lang basta minanifest, tila nagparinig umano si Ashley na gusto niyang maging calendar girl, bagay na natupad kamakailan lang.
Paliwanag ng aktres, "Meron kasi kaming episode sa Chicks 2 Go podcast. Meron kaming 'Bakit hindi' list. So these are the things na parang, 'Bakit hindi?' So sabi ko lang, 'Parang gusto ko maging calendar girl' kasi not everyone gets that opportunity and I think it would be so fun."
Pagbabahagi pa ni Ashley, hindi naman talaga niya inasahan na magiging calendar girl nga siya. Aniya, umabot din ng isa hanggang dalawang taon bago narinig ng brand ang kaniyang hiling at kinuha siya ng mga ito.
Gaya ni Ashley, may pangarap din na minanifest si Hershey. Isa sa mga iyon, maging muse ng isang Pinoy rapper sa kanilang music videos.
Hindi pa natutupad ang pangarap na iyon ni Hershey pero may ibang pangarap umano siyang natupad na. Sabi niya, "Kung si Ashley na-manifest niya 'yung calendar girl niya, ako na-manifest ko to star in my first movie. That was last year, so 'yun ang 'Ang Happy Homes ni Diane Hilario' with Angeline Quinto."
Di naman mapantayan ang saya ni Hershey dahil natupad na kaagad ito kahit na bago pa lang siya sa showbiz.
Hiningi rin ni Tito Boy ang opinyon ng dalawang podcast hosts tungkol sa sinasabi ng marami na diumano ang manifesting ay naghihikayat ng katamaran.
Hindi naman naniniwala si Hershey dito. Bagkus, sabi ng aktres, "Maganda kasi if you say it out in the universe, maririnig 'yan."
Sinang-ayunan din nina Ashley at Hershey ang sinabi ni Tito Boy na kasabay ng pag-manifest ay ang pagtatrabaho para makamit ang mga ito.