Ito na umano ang ikatlong pagkakataon na nakabisita si Korean actor Bang Sung hoon sa Pilipinas. Kaya naman, sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules September 17, tinuruan siya ni King of Talk Boy Abunda ng ilang Filipino phrases na magagamit niya.
Sa kaniyang pagbisita, kasama ang interpreter niyang si Sharon, ibinahagi ni Sung Hoon na isa sa mga paborito niyang pinupuntahan sa Pilipinas ay Cebu, at ang paborito niyang Pinoy food ay sisig.
Tingnan kung papaano tinuruan ni Boy si Sung Hoon ng Tagalog phrases sa gallery na ito:
Dahil ito na ang ikatlong beses ni Sung Hoon sa bansa, naisip ni Boy na turuan ang Korean star ng Tagalog phrases para maayos itong makapag-communicate sa Pinoy fans niya.
Bilang Korean star, hindi maitatanggi ang good looks ni Sung Hoon kaya naman, tinuruan siya ni Boy kung ano ang sasabihin tuwing may nakakapuna nito.
Sabi ng batikang host, ang dapat na sagot ni Sung Hoon dito, "Maliit na bagay."
Matapos banggitin ng Korean star ang mga kataga, hindi naiwasan ni Boy na punahin ang galing nito, "You know, among many Korean actors I've interviewed, you are the best."
Ibinahagi rin ni Boy ang dapat sabihin ni Sung Hoon tuwing may nagtatanong kung okay lang ba ito. Aniya, "When somebody asks you 'Are you okay?' you say, 'Keribells.'"
Binigyan din ni Boy ng sagot ang Korean star kapag may nagtanong sa kaniya kung maganda ba sila. "When somebody asks, for example I'm gonna ask you, 'Am I pretty?' You say 'Saan banda?'"
Pinuna rin ni Boy ang magandang emosyon ni Sung Hoon sa pagbigkas niya ng naturang kataga.
May sagot din si Boy para kay Sung Hoon para sa haters at bashers na mahilig mag-send ng hindi kagandahang mga mensahe. Aniya, pwedeng sabihin ng Korean star na "Wow, hiyang-hiya naman ako."
Bilang Korean actor, in-apply ni Sung Hoon ang mga natutunan sa isang eksena kasama ang batikang host, at pinabilib ito sa halos flawless nilang eksena.
Nang tanungin naman siya ni Boy kung pagiging actor ba ang pangarap niya, inamin ni Sung Hoon na hindi. Sa katunayan, nag-umpisa siya bilang isang swimmer sa tulong ni Sharon. Pagbabahagi ng Korean interpreter, "When he quit [swimming], that's when he thought of being an actor po."