Ibinahagi ng Gen Z content creator na si Bea Borres ang naging journey ng kaniyang pagbubuntis, kabilang na kung papaano niya nalaman na buntis siya, at malaman ito ng dating partner na si Meray Yamada.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, May 8, ikinuwento na ni Bea Borres na wala sa plano noon ang pagbubuntis niya, lalo na at pausbong na ang karera ng content creator. Sa katunayan, pipirma na sana siya ng kontrata sa Sparkle Artist Center, ang talent arm ng GMA Network, noong malaman niya.
“Tito Boy, pa-skyrocket 'yung career ko. Magsa-sign na ako for GMA. As in my contract na ako and everything, I'm just asking questions, parang kina-clarify ko na lang, nagko-consult ako sa lawyer ko. Ta's biglang 'yun nga, nabuntis ako. Hindi talaga siya planado,” sabi ni Bea.
Alamin ang buong kuwento ng pagbubuntis ni Bea sa gallery na ito:
Pagbabahagi ni Bea, malaki ang presence ng kaniyang Mommy Toni Fowler at Ate Alex Gonzaga para malaman niya ang tungkol sa kaniyang pregnancy.
Gaya ni Bea, kakagaling lang umano ni Toni mula sa breakup. Kaya naman, nagbigay ito ng payo sa Gen Z content creator tungkol sa pag-ibig.
Ngunit tila napagod na daw ito sa kabibigay ng payo at sa halip, nag-iwan na lang ng bilin, "Sabi niya, 'Sige na, gawin mo na kahit na ano. Kahit ano'ng gusto mong gawin, 'wag ka lang magpabuntis.'"
Sa sinabing ito ni Toni, naisip ni Bea na delayed na siya nang one week. Sabi pa ng content creator, baka dahil sa pagkakaroon niya ng PCOS o Polycystic Ovary Syndrome ang dahilan ng delayed niyang period.
Ngunit hindi natinag si Toni at pinilit pa rin siyang mag-pregnancy test. Sa tulong ni Alex, nakumbinsi siyang kumuha ng pregnancy test. Dito na niya nalaman na buntis nga siya.
Nang hingin ang reaksyon niya sa nalaman, sabi ni Bea, "I was so surprised."
Pagbabahagi ni Bea, eksakto noong nalaman niya ay tumawag din si Blythe o si Andrea Brillantes at nasabi niya ang sitwasyon sa kaibigan.
Aminado naman si Bea na hindi niya alam noon kung paano sasabihin sa dating partner na si Meray na buntis siya. Pagbabahagi ng Gen Z content creator, nakatira sa iisang building sina Blythe at Meray. Kaya naman, nagkita-kita sila sa isang lugar sa building, at niyakap silang dalawa ni Blythe, bago nito sinabi kay Meray ang balita.
Aminado si Bea na sobra ang takot niya na sabihin kay Meray dahil, una, hindi pa sila handa, at pangalawa, on and off pa ang relationship nila.
Ngunit dahil nagkaroon na siya ng expectations kay Meray, mga bagay na hindi nito kayang punan, nauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon. Ngayon, handa naman si Bea na maging single mom para sa kanilang anak.