Boy Abunda breaks his silence on Alvin Aragon's LGBT remarks: 'He crossed a line'

Nagbigay ng kaniyang saloobin si King of Talk Boy Abunda tungkol sa mga pahayag ng StarStruck alum na si Alvin Aragon.
Matatandaan kasi na nitong mga nakaraang araw ay nagbibigay ng ilang pahayag ang aktor tungkol sa LGBTQIA+ community. Kinondena rin niya ang mga magulang na sinusuportahan ito.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, sinabi ni Boy na ayaw naman talaga niyang magbigay ng komento tungkol dito, ngunit marami na rin ang humihingi ng kaniyang opinyon tungkol sa mga pahayag ni Alvin, kaya naman pinaunlakan na niya ito.
“Para sa akin po, he crossed a line. Sumobra siya noong nagpangalan siya ng mga magulang, 'Tingnan mo, sina K Brosas, Ian Veneracion, si Gloc 9,' na parang hindi tama. In other words, what he was trying to say was hindi tama na ine-embrace nila ang kanilang LGBT children dahil hindi 'yan nakasaad sa kautusan ng Diyos,” sabi ni Boy.
Gusto umano i-call out ni Boy si Alvin sa kaniyang sinabi dahil tila ang gusto iparating ng aktor na ang paraan lang niya ng pagpapalaki ng anak ang tama dahil hindi nila pinapayagan o tinatanggap sa pamilya ang LGBTQIA+ na mga anak.
“Para bang sinasabi ni Alvin na 'Ito ang tamang parenting style. Tama kami dahil hindi namin pinapayagan, hindi namin tinatanggap.' And as opposed to these people na who chose to embrace their children with love, with dignity, with kindness, with compassion. And hindi lamang 'yung mga pinangalanan ni Alvin, tinamaan din kami at marami pang tao na piniling mahalin ang kanilang mga anak,” dagdag pa ng King of Talk.
Para kay Boy, ang importante sa Diyos ay kayang humarap ng isang tao sa Kaniya at sabihing naging mabuting tao siya. Iyon ang totoong pamantayan ng pagiging makatao.
“What am I trying to say? Alvin, you cannot impose your faith, you cannot impose your parenting style, you cannot impose yourself on us. 'Yun sa akin, ang sobra dahil wala kang pakialam. At walang pwedeng humusga sa amin, walang pwedeng magsabi sa amin. Not you, not anyone,” paliwanag ng batikang host.
Naiintindihan naman daw ni Boy na iba ang pananampalataya ni Alvin at sinabing sobra ang paggalang niya sa aktor. Sa katunayan, pilit niyang inuunawa si Alvin, gaya ng sinabi ni Pastor Nixon Ng ng Victory Church, ang parehong simbahan ni Alvin.
“Sabi nga ni Pastor Ng ng Victory Church ng Pasay, we should have this attitude of being gracious kasi may mga bago sa kanilang faith as Christians who can be overly passionate,” sabi ni Boy.
Pagpapatuloy ng batikang host, “I'd like to be gracious to Alvin because he's coming from a point of faith, kaniyang paniniwala. Totoo 'yung kaniyang paniniwala.
“Let me end this by saying, and I'd like to share this with Alvin, Sinabi ni St. John of the Cross, and listen, ako gusto ko itong pakinggan ni Alvin. 'In the evening of life, we will all be judged on love and love alone,'” pagtatapos ni Boy.
Check out this gallery to see more celebrities who are proud allies of the LGBTQIA+ community:











