Capinpin family, sa kalagayan ni Ser Geybin: 'Hindi po okay si kuya'

Usap-usapan ngayon sa social media ang isa sa most-followed Filipino content creators na si Gavin Capinpin na mas kilala bilang si Ser Geybin.
Maraming netizens ang nakapansin sa biglaan niyang paghinto sa pagba-vlog, at talaga namang hinanap siya ng kanyang fans sa videos na ina-upload ng kanyang pamilya at mga kaibigan.
Kaugnay nito, nagbigay ng update ang Capinpin family tungkol sa nangyari kay Ser Geybin.
Ayon sa kapatid niyang si Allen, mayroong pinagdadaanan ang kanilang Kuya.
Pahayag niya, “Si Kuya [Ser Geybin] po kasi ngayon ay may pinagdadaanan. Hindi po okay si Kuya. Kagabi po sa hindi inaasahang pangyayari, sinugod po si Kuya sa ospital…”
Nagkuwento rin ang girlfriend ni Ser Geybin na si Elma Asagra tungkol sa nangyari.
Sa mga ikinuwento sa kanya ni Ser Geybin, ramdam umano ni Elma ang pagod, labis na pag-aalala, at matinding lungkot tungkol sa napakaraming bagay na magkakahalo sa isip ngayon ng kanyang boyfriend.
Ang lahat ng ito ay tila nakatago sa likod ng kanyang pagpapasaya at mga ngiti sa kanilang vlogs.
Ayon naman sa mga sinabi ng medical staff tungkol sa kalagayan ng vlogger, posibleng hyperventilation o kulang sa electrolytes ang katawan ni Ser Geybin.
Sa huling parte ng video, ipinaabot ng Capinpin family at ni Elma ang pasasalamat nila sa kanilang fans, followers, at mga patuloy na nagmamahal sa kanila.
Binanggit din nila na naniniwala silang magiging maayos na ang kanyang kalagayan at darating din ang araw na muli nilang makakasama si Ser Geybin sa vlogs.
Sa comments section ng video, bumuhos ang encouraging messages ng netizens para kay Ser Geybin.
Si Ser Geybin ang leader ng Team Capinpin na sinusubaybayan ngayon ng milyon-milyong netizens sa mundo ng vlogging. Siya ay dating school teacher at panganay sa tatlong magkakapatid na kilala bilang Capinpin Brothers.
Related gallery: TikTok creators na may milyon-milyong followers online



























