Iba't iba ang naging reaksyon ng mga tao sa relasyon nina Carlos Yulo at Chloe San Jose. Ilang netizens pa ang nagkaroon ng haka-haka tungkol sa intensyon ng huli sa two-time Olympic gold medalist. Ang hindi alam ng marami, bago pa man nagwagi si Carlos sa Olympics, ay mayroon na silang relasyon ni Chloe.
Samantala, kung may nagulat sa relasyon ng dalawa, si Chloe din ay nabigla nang makita sa personal ang noon ay two-year boyfriend na niya sa unang pagkakataon.
Alamin ang kwentong iyan sa pagbisita nila sa Fast Talk with Boy Abunda sa gallery na ito:
Pagbabahagi ng dalawa, 2020 pa lang ay opisyal na silang naging mag-boyfriend at mag-girlfriend, noong panahon ng pandemic. Ngunit ayon kina Carlos at Chloe, hindi pa sila nagkikita nang personal noong panahong iyon.
Sa 2022 SEA Games sa Vietnam sila unang nagkita nang personal, dalawang taon pagkatapos nilang maging "official."
Overwhelmed umano si Carlos noong una niyang makita si Chloe, "Nu'ng nakita ko siya, parang nasabi ko lang sa sarili, 'Ba't parang iba 'yung feeling in person?' Na-overwhelm lang po ako kasi hindi po ako makapaniwala na nagkita po kami."
Kung si Carlos ay overwhelmed sa pagkikita nila ni Chloe, iba naman ang naging reaksyon ng huli. "Sabi ko, 'Oh my God! Ang liit mo pala talaga!' Because I thought parang same height lang po kami kasi parang you (Carlos) look naman the same height as me sa pictures kasi po, I'm only 153 cm ta's siya, 148 so it's not that super big of a difference. So akala ko po talaga, we would've been just the same height," sabi ni Chloe.
Tanong ni King of Talk Boy Abunda, "Wala ka bang 'Ay, ang liit mo pala, pero ang cute mo.'" Sagot ni Chloe, "Yes, of course naman. And he was so much more pogi in person also, sobrang liit ng mukha."
Marami rin ang nagduda sa relasyon nina Carlos at Chloe noong nalaman ito ng publiko. Pero ayon kay Chloe, "I guess po kasi, in our relationship, in our circle, we really value privacy po, and we really value the power of silence."
Wala rin umanong nakapagpapikon sa kanila sa mga sinabi ng netizens dahil ayon kay Chloe, napagtanto nilang secured sila sa isa't isa.
Binalikan din ni Boy ang "unfair comments" patungkol kay Chloe. Pero ayon sa kaniya, hindi naman niya ito alintana. "I became very independent early on po, when I was 18. So then, now that people say na I just need Caloy's fame and money and stuff, parang I was super secured even way before Caloy, so parang those things didn't really affect me," sabi ni Chloe.
Sa kabila ng judgmental na komento ng mga tao kay Chloe, hindi naman nakita ni Carlos na kailangan niyang ipagtanggol o magsalita para sa kaniyang girlfriend.
Ayon kay Carlos, hindi naman sila kilala nang personal ng mga taong ito, at walang alam sa relasyon nila, kaya hindi na niya kailangan paliwanagan.