Magpapatuloy sa paghahatid ng saya at good vibes tuwing tanghali ang noontime variety show na It's Showtime sa 2025.
Ito ay kinumpirma ng GMA Corporate Communications sa GMANetwork.com na magpapatuloy ang pag-ere ng naturang programa sa main channel ng Kapuso network sa susunod na taon.
Naganap ang historic contract signing sa pagitan ng It's Showtime at GMA Network noong March 20.
Pasabog ang naging pilot episode ng noontime variety show nang unang umere ito sa GMA-7 noong April 6.
Iba't ibang Kapuso at Sparkle stars na rin ang nakisaya sa noontime program.
Nitong Oktubre, ipinagdiwang ng It's Showtime ang kanilang 15th anniversary sa unang pagkakataon sa GMA-7 at naganap dito ang week-long “Magpasikat 2024,” kung saan nagwagi ang team nina Ogie Alcasid, Kim Chiu, MC, and Lassy.
RELATED CONTENT: Balikan ang mga kaganapan mula sa Thanksgiving mass at media conference para sa ika-15 anibersaryo ng 'It's Showtime' sa gallery na ito:
Nagpasalamat ang It's Showtime family sa mga biyayang natanggap nila sa loob ng 15 taon sa kanilang media conference day.
Dumalo sina Vice Ganda, Jhong Hilario, Vhong Navarro, Karylle, Jugs Jugueta, Ryan Bang, Kim Chiu, Ion Perez, Ogie Alcasid, Lassy, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez sa isang Thanksgiving mass upang magpasalamat sa mga biyayang ibinigay sa loob ng 15 taon ng It's Showtime.
Pagkatapos ng misa, dumiretso ang mga host ng It's Showtime sa media conference kasama ang mga miyembro ng press mula sa GMA Network at ABS-CBN.
Mas exciting raw ang anniversary celebration ngayon ng It's Showtime dahil kasama na raw nila ang GMA Network. Sa kanilang usapan, nagpasalamat ang mga host sa tv network sa patuloy nitong pagsuporta sa programa. Sabi ni Amy Perez, "Very very happy and honored na alam mo iyon, nandito na kami sa GMA tapos 'yung suporta at 'yung pagmamahal ng GMA nararamdaman namin na talagang Kapuso kami. 'Yung everyday na nakikita namin na maligayang maligaya 'yung mga madlang Kapuso na pinapanood kami at sinasamahan kami sa journey namin ito ng 15 years and more sa darating pang mga taon, talagang very thankful and grateful kami sa GMA 7."
Sa usapang Kapuso, nabanggit din ng mga host ang kanilang mga paborito o mga memorable na Kapuso stars na bumisita sa programa. Kasama sa kanilang listahan ang Kapuso artists na sina Barbie Forteza, Ruffa Mae Quinto, Julie Anne San Jose, Alden Richards, Sang'gre stars, Garett Bolden, at GMA Network Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide and Support Group, and President and CEO of GMA Pictures, na si Ms. Annette Gozon.
Natutuwa rin ang It's Showtime family na umaabot worldwide ang kanilang patok na segment na "Kalokalike Face 4." Masaya sila na makitang naaliw din ang international stars na ginagaya ng kanilang mga contestant. Sabi ni Vice Ganda, "Ang active-active ng madlang people sa social media, isa rin iyon sa paraan na nakakarating sa ibang bansa, sa malalayong tao 'yung ganap dito dahil sa kaaktibuhan ng madlang people sa social media. Post sila nang post, ang dami nilang pinost kaya kung saan-saan nakakarating, at nakakaaliw kasi naaliw din 'yung mga taong involve. Parang naha-happy sila. Siguro natutuwa rin sila na malaman na lang nila na, 'Ay, sikat pala kami sa Pilipinas.' Siguro hindi sila masyadong pamilyar sa Pilipinas pero dahil doon, na na-realize nila na hanggang dito, sikat 'yung mga personalidad na katulad nila."
Espesyal daw ang kanilang 15th anniversary dahil ito ay isang patunay ng kanilang matatag na samahan at kakayahang harapin ang mga pagsubok sa loob ng ilang taon. Kuwento ni Vice Ganda, "Nagiging espesyal siya the moment when you look back. 'Pag naisip mo, ano bang pinagdaanan ko sa nakalipas na panahon tapos kaya siya naging espesyal pag lumingon ka sa lahat ng bahagi ng paligid mo. 'Pag nakita mo kung sino pa rin 'yung mga tao nandoon sa tabi mo at nanatili at masasabi mo, 'Napaka palad mo, 'no? Dahil hanggang ngayon, may mga nanantili pa rin na makapiling ka sa likod mga nangyari sa buhay mo. Pinipili kang samahan, pinipili ka mismo hanggang sa araw na iyon, hanggang sa umabot ka ng 15 years, ikaw pa rin ang pinipili at may natitira pa rin na nanatiling pumipili sa iyo. Iyon ang nagpapasarap sa pagdiriwang ng 15 years."
Ikinuwento rin nina Vice Ganda, Vhong Navarro, at iba pang hosts ng It's Showtime kung gaano ka-solid ang kanilang samahan bilang pamilya. Ibinahagi rin nila kung paano nakatulong ang programa sa kanilang buhay, maging sa personal na aspeto o bilang mga artista.
Kaabang-abang ang "Magpasikat 2024" dahil mas bonggang performances ang kanilang ihahanda ngayong taon. Sa kanilang media conference, binalikan din ng It's Showtime family ang kanilang mga memorable performances mula noon, tulad ng 'baliktad' performance ng team Jugs at ang AI-themed performance.
Ipagdiriwang ng It's Showtime ang kanilang 15th anniversary sa October 24 at sa linggong iyon ay mapapanood din ang much-awaited na “Magpasikat 2024.”