Dating nanlilimos na si 'Badjao Girl' Rita Gaviola, negosyante na ngayon!

Bata pa lang ay laking kalsada na si Rita Gaviola na binansagang 'Badjao Girl' nang mag-viral ang kanyang larawan kung saan makikita siyang namamalimos sa daan noong May 2016. Labingtatlong taon siya noon.
Karga pa niya ang kanyang nakababatang kapatid, na nagpaantig sa puso ng netizens.
"Sobrang hirap po ng dinanas ko dati kasi unang-una po, 'yung andyan 'yung wala kaming makain. Pumapasok ako sa school na wala akong baon so kailangan ko pang umabsent para may pang baon kami. Minsan, hindi kami kumakain sa tamang oras, minsan 'di kami nakakakain ng hapunan, ng tanghalian so ang kinakain namin kape, kanin, ayun lang 'yung sinasabaw namin.
"Tapos kailangan pa namin mangutang sa tindahan para may makain kami kasi 'yung papa ko po, ang trabaho nya is mangingisda po talaga," pagbabalik-tanaw ni Rita sa mahirap nilang buhay noon sa panayam sa kanya ng batikang journalist na si Karen Davila sa YouTube channel nito.
May pitong kapatid si Rita. Ang kanyang ina ay hindi nakapag-aral, samantalang ang kanyang ama ay isang mangingisda. Hindi sapat ang kinikita ng kanyang ama kaya napilitan siyang mamalimos sa daan.
"Parang namulat na ko na 'di ko na naisipang magtanong 'yung tungkol sa dinanas ko na buhay. Alam ko masakit sa part nila na naranasan ko 'yung nararanasan nila dati tulad ng 'di po sila nakapag-aral, 'di po sila nakapagtapos ng kahit ano, wala po silang alam. Hindi po sila sanay magsulat at magbasa kaya gano'n na lang po kung (pagsalitaan) kami."
Ilang taon matapos siyang mag-viral sa social media, namamayagpag na ngayon si Rita bilang endorser, vlogger, at ngayon ay negosyante pa.
Aniya, sinusulit niya ang bawat oportunidad na ibinibigay sa kanya para makatulong sa kanyang pamilya.
"Sabi ko Lord, sana dumating 'yung time na bigyan ako ng pagkakataon na maiahon ko sila kahit hindi maluwag 'yung buhay namin, basta may makain lang kami sa pang araw-araw.
"Sinabi ko sa sarili ko, hindi man po ako makapagtapos o basta may trabaho ako, hindi-hindi po mararanasan ng mga kapatid ko 'yung mga naranasan ko dati."
Para kay Rita, may kanya-kanyang oras ang lahat kaya mensahe niya sa mga tulad niyang naranasang kapusin sa buhay: "Hindi mo kailangan magmadali, maghintay ka. Darating 'yung para sa 'yo. Someday 'yung paghihirap mo, mapapalitan ng saya."
Balikan ang nakakaantig na kwento ng pagbangon ni Badjao Girl sa gallery na ito:














