DOJ, nagsampa ng kasong rape at acts of lasciviousness sa mga inakusahan ni Sandro Muhlach

Pagkatapos ng mabusising imbestigasyon at dinig sa korte tungkol sa reklamo ni Sandro Muhlach, nagsampa na ng mga kaso ang Department of Justice laban kina Jojo Nones at Richard Cruz.
Nakasuhan ang dalawa ng one count of rape through sexual assault at two counts of acts of lasciviousness sa Pasay Regional Trial Court (RTC).
Ayon sa panel of prosecutors "shallow at insignificant" ang naging depensa nina Jojo at Richard. Tila rin daw nagsabwatan ang dalawa sa kanilang mga aksyon.
Ayon sa report ni Saleema Refran sa Super Radyo DZBB, nakahayag sa resolusyon na may nakitang basehan ng sexual assault at acts of lasciviousness sa kaso. Napatunayan din ni Sandro ang kanyang reklamo hinggil sa pananakot at puwersa sa nangyaring krimen.
“It is clear from the statement of complainant Sandro in his affidavit that he repeatedly resisted and pleaded with respondents to stop their unwanted sexual advances,” saad sa resolusyon.
“Unfortunately, complainant Sandro was too physically too weak and dizzy to succeed due to the effects of the drugs and alcohol,” dagdag nito.
Sinabi rin ng DOJ na kahit tila normal si Sandro matapos ang insidente, hindi ito maituturing na walang nangyari sa kanya. “This experience is relative and may be dealt with in any way by the victim depending on the circumstances, but his credibility should not be tainted with any modicum of doubt,” ayon sa department.
Hindi rin naapektuhan ang kredibilidad ni Sandro kahit hindi nito kaagad isinumbong ang nangyari sa kanya dahil sa pangamba sa posibleng maging epekto sa kanyang trabaho bilang artista.
Nang hiningan ng pahayag ang panig ng dalawang inakusahan, sinabi lang ng kanilang abogado na si Atty. Maggie Garduque na hindi pa nila natatanggap ang kopya ng resolusyon.
"We will issue a statement as soon as we receive the copy and we have read the basis of the department in giving due course to the complaint," sabi niya.
Matatandaan, unang nagsampa ng reklamo si Sandro sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa dalawang independent contractors, na naging dahilan ng pagsagawa ng imbestigasyon ang ahensiya.
Naghain din ng counter-affidavit sina Jojo at Richard para hilingin sa DOJ na ibasura ang reklamo dahil sa kawalan umano ng documentary evidence.
Isa sa mga ebidensyang ipinakita naman ng panig nina Sandro ay ang CCTV footage ng hotel na nangyari umano ang insidente.
Related gallery: Celebrities na biktima ng sexual harassment














