Maraming artista ang sumubok na pasukin ang mundo ng pulitika pero nabigo sila sa eleksyon ngayong 2025.
Parehong tumakbong konsehal sa magkaibang distrito sa Pasig sina Shamcey Supsup-Lee at Ara Mina pero pareho silang hindi nakapasok sa top six councilors sa dalawang distrito.
Sa Manila, nabigo si Sam Versoza at Raymond Bagatsing na manalo sa pagiging mayor, na naipanalo ng nagbabalik-alkalde ng lungsod na si Isko Moreno.
Narito ang mga personalidad na hindi pinalad ngayong Eleksyon 2025.
Bigo si Sam Versoza sa pagtakbo niya bilang mayor ng Manila.
Hindi rin pinalad ang aktor na si Raymond Bagatsing sa pagka-mayor ng Manila.
Bigo ang aktor na si Yul Servo na manungkulang muli bilang vice mayor ng Manila matapos siyang matalo ni Chi Atienza, na kapatid ni Kuya Kim Atienza.
Bigo rin ang aktor at direktor na si David Chua na kumandidato bilang konsehal ng ikalawang distrito ng Manila.
Hindi rin nakapasok si Mocha Uson bilang konsehal sa Manila.
Nabigo si Miss Universe 2011 3rd Runner-Up Shamcey Supsup Lee sa una niyang pagsabak sa pulitika bilang konsehal ng Pasig City.
Bigo rin si Ara Mina bilang konsehal ng ikalawang distrito ng Pasig City.
Pumangatlo lang ang aktor na si Victor Neri na tumakbo bilang mayor ng Makati City.
Muling nabigo si Monsour del Rosario sa Eleksyon 2025 kung saan tumakbo siya bilang vice mayor ng Makati City. Una siyang tumakbo bilang vice mayor ng lungsod noong 2019.
Bigo ang aktor na si Emilio Garcia na maging mayor ng bayan ng Bay sa Laguna.
Hindi pinalad si Anjo Yllana na tumakbo bilang vice mayor ng Calamba City, Laguna.
Hindi pinalad ang aktor na si Neil Coleta sa pagtakbo niya bilang konsehal sa Dasmarinas City.
Bigo ang talent manager na si Arnold Vegafria sa pagtakbo niya bilang mayor ng Olongapo.
Hindi nanalo ang director na si Lino Cayetano sa muli niyang pagtakbo bilang congressman ng unang distrito ng Taguig, kung saan nanilbihan siya bilang mayor noong 2019.
Natalo ang aktor na si Ejay Falcon sa pagtakbo niya bilang congressman ng ikalawang distrito ng Oriental Mindoro.
Hindi pinalad ang aktres na si Angelika Dela Cruz bilang vice mayor ng Malabon.
Hindi nagtagumpay ang aktor na si DJ Durano na maging mayor ng bayan ng Sogod sa Cebu.
Hindi naging sapat ang nakuhang boto ni Marjorie Barretto para maging konsehal ng Caloocan City.
Talo ang aktor at komedyanteng si Dennis Padilla na tumakbo bilang konsehal ng ikalawang distrito ng Caloocan City.
Tinalo ni Sol Aragones ang aktor na si Dan Fernandez sa pagkagobernador ng Laguna.
Nabigo ang dating aktres na si Gem Castillo sa pagtakbo niya bilang vice governor ng Laguna.
Nabigo ang direktor na si Bobet Vidanes sa kanyang pagtakbo bilang mayor ng Pililla, Rizal.
Bigo ang dating news reporter na si Doland Castro sa kanyang pagtakbo bilang konsehal sa Quezon City.
Talo ang aktres na si Ali Forbes sa kanyang pagtakbo bilang konsehal sa Quezon City.
Nabigo ang aktor na si Marco Gumabao sa unang pagsubok niya para pasukin ang pulitika, kung saan tumabo siya bilang congressman ng ikaapat na distrito ng Camarines Sur.
Natalo si Roi Vinzon bilang bokal ng unang distrito ng lalawigan ng Benguet.
Nabigo ang aktor na si Aljur Abrenia sa pagtakbo niya bilang konsehal sa Angeles City, Pampanga.
Kinulang sa boto si Enzo Pineda para maging isa sa mga konsehal sa ikalimang distrito ng Quezon City.
Talo ang aktres na si Priscilla Almeda, o kilala bilang Abby Viduya sa totoong buhay, sa pagtakbo niya bilang konsehal ng unang distrito ng Paranaque City.
Nabigong makabalik sa senado si Manny Pacquiao. Pang-18 lamang sa mga senador si Manny na nakakuha ng mahigit 10 milyong boto.
Tinangap ni Bong Revilla na hindi siya nagtagumpay na muling manungkulan bilang senador.
Hindi pinalad si Willie Revillame na makapasok sa 'Magic 12.' Pang-22 si Revillame na nakakuha ng mahigit 8 milyong boto.
Ayon sa partial at unofficial count, pang-19 si Phillip Salvador sa mga tumakbong senador kung saan nakakuha siya ng mahigit 9 milyong boto.
Nag-concede na si Jimmy Bondoc matapos niyang mabigo na maging senador.
Kinulang ang mamamahayag na si Ben Tulfo na maging senador dahil nasa 13th spot siya, base sa partial at unofficial count.
Tumakbo ang internet sensation na si Diwata, o Deo Balbuena sa tunay na buhay, bilang fourth nominee ng Vendors Partylist.
Ang anak ni Joey Marquez na si Jeremy Marquez ang first nominee ng Solo Parents Partylist, na hindi nakakuha ng sapat na boto para makaupo sa Kongreso.
Tumakbo bilang third nominee ng ARTE Partylist ang pageant mentor na si Jonas Gaffud.
Ang vlogger at talent manager na si Wilbert Tolentino ang first nominee ng Ahon Mahirap Partylist.
Bigo ang aktor na si Zanjoe Marudo na manalo bilang second nominee ng ASAP NA partylist.
Hindi nakakuha ng sapat na boto ang Agimat Partylist kaya hindi mauupo bilang representative nito ang beauty queen na si Samantha Panlilio, na second nominee ng nasabing partylist. Ang first nominee na si Bryan Revilla ang magrerepresenta sa Kongreso.
Second nominee ng MPBL Partylist si Jinkee Pacquiao.
Ang dating basketball player na si Kenneth Duremdes ang third nominee ng MPBL Partylist.
Natalo ang dating basketball player na si Dondon Hontiveros na muling manalo bilang vice mayor ng Cebu City.