Elton, maghihiganti muli sa 'Love. Die. Repeat.'

Tila walang katapusan ang mga pagsubok sa tumitinding suspense drama series sa gabi na 'Love. Die. Repeat.
Sa nalalapit na pagtatapos ng GMA Prime series, sunud-sunod na pasakit ang dumating kay Angela (Jennylyn Mercado) dahil sa pagkamatay ng kanyang asawang si Bernard (Xian Lim) at kaibigang si Chloe (Valeen Montenegro).
Kasabay nito, magbabalik si Elton (Mike Tan) para maghiganti matapos maggising mula sa coma. Bilang ex-boyfriend ni Angela, malaki ang galit ni Elton kina Angela at Bernard na umabot pa sa puntong inilagay niya sa panganib ang dalawa.
Matatandaang nakipag-break si Angela kay Elton dahil sa pambabae nito habang nasa Mt. Kanlaon, kaya kay Bernard nabaling ni Elton ang kanyang galit. Si Bernard ang sumunod na naging kasintahan ni Angela matapos silang magkakilala habang nagha-hiking sa nasabi ring bundok.
Makakalabas ng ospital si Elton at sa kanyang paglabas, tila mauulit muli ang mga pangyayari dahil hihingi muli si Angela ng tulong sa matandang babaeng nakita niya sa Mt. Kanlaon.
Babala ng matanda, hindi pa roon matatapos ang mga problema ni Angela dahil ito mismo ang malalagay sa peligro.
Sa pagbabalik ni Elton, balikan ang mga pagsubok na dumaan kina Angela at Bernard sa gallery na ito.





