Ex-beauty queen at limang Russian, nasagip sa alleged human trafficking

Isang ex-beauty queen at limang Russian ang nasagip sa umano'y pambubugaw.
Ayon sa 24 Oras, nangyari ang pagsagip sa isang 5-star hotel sa Makati City.
Sa ulat ni John Consulta, napanood ang surveillance video ng NBI International Operations Division kung saan nakita ang tatlong Russian habang paakyat sa isang 5-star hotel unit sa Makati noong Miyerkules (August 12) ng gabi.
Pagkatanggap daw ng target ng marked money, dinakip na siya ng mga ahente.
Saad ni Atty. Melvin Matibag, director ng National Bureau of Investigation, "Meron pong pumasok na report. Meron po siyang mga tinatawag natin na mga dala-dalang mga kababaihan at itong mga kababaihan na ito ay iniaalok niya for sexual favors kapalit ng malaking halaga."
Ayon pa sa ulat, sinecure ng mga NBI agent at city social workers ng Makati ang mga rescued foreigners at ang Pilipina na dating beauty queen. Pahayag naman ni Atty. Matibag, kilala sa pageant industry ang nasabing dating beauty queen.
"Pilipina na medyo kilala sa beauty industry dahil isa siyang dating beauty queen. Kasama po sa protocol na gagawin natin ay makipag-ugnayan sa Russian Embassy."
Ayon daw sa mga Russian, sila ay mga models based overseas. Pero mula naman sa imbestigasyon ng NBI, sila raw ay mga turista na pumupunta rito, pero mayroong "booking" na hourly, overnight, at out-of-town rate.
Na-turn over na sa Makati City Social Workers ang limang Russian. Samantala, ang 42-year-old na suspect ay tumanggi sa pagbibigay ng pahayag.
Saad ni Atty. Matibag tungkol sa ikakaso sa suspect, "This will be qualified human trafficking kasi more than limang kababaihan ang kanyang biktima for human trafficking. So ito ang ipa-file natin na kaso rito."
Samantala, tingnan ang mga beauty queen na tinanggalan ng kanilang mga korona:







