Mas bumubuti na umano ngayon ang relasyon ng dating Kapuso couple na sina Max Collins at Pancho Magno. Sa katunayan, madalas din silang nagkikita para sa special occasions ng anak na si Skye, ayon sa aktres.
Bagamat mas nag-uusap na ngayon, inamin ni Max sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, April 7, na may mga bagay silang hindi na pinag-uusapan. Isa rito ang tungkol sa kani-kanilang bagong relasyon. Ayon sa aktres, respeto na nila ito sa isa't isa at sa kanilang anak.
“I think after a while, I mean, we're not there yet,” sabi ni Max.
Alamin kung ano na nga ba ang relationship dynamics ngayon nina Max at Pancho sa gallery na ito:
Ayon kay Max, pagdating sa anak nila ni Pancho na si Skye, bigayan sila ng oras kasama ito. "Kapag may event talaga siya with the family, I give way. And he'll give way for me also."
Katulad nitong nakaraang Holy Week, kasama ni Pancho at ng kaniyang pamilya si Skye dahil may out-of-town trip sila. Habang si Max ay kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Madalas din umano silang magkita ni Pancho tuwing may espesyal na okasyon si Skye, tulad ng kaarawan o moving up nito sa school. At tuwing ihahatid ni Pancho ang anak kay Max, o kaya ay ihahatid niya ito sa aktor, nagkukumustahan naman sila.
Isang bagay raw na hindi nila pinag-uusapan ang love life ng isa't isa. Ani Max, "I think it's because out of respect to each other, I think we don't like to pry so much for our son. I think after a while, I mean, we're not there yet."
Sabi ni Max, mas madali para sa kanila na huwag na lang pag-usapan ang kani-kanilang love life. Sa halip, mas pagtuunan na lang ng pansin si Skye at kung ano ang makakabuti sa kanilang anak.
Sabi pa ni Max, "It makes sense to us, I mean, it might not make sense para sa lahat... But for us, gusto namin na 'wag na lang pag-usapan."
Aminado naman si Max na nagtatanong na rin si Skye tungkol sa sitwasyon ng kanilang pamilya.
Para kay Max, depende sa kung papaano niya ipinapaliwanag kay Skye ang pagtanggap niya sa kanilang family setup. "I guess sa pagpapaliwanag 'yan. So, he thinks it's cool, in his mind. And I think it's all important, kung ano 'yung perspective ng bata aside from ano 'yung perspective ng lahat," sabi ni Max.
Dagdag pa ni Max tungkol sa anak na si Skye: "He's in such a peaceful environment, he gets the best of both of us."
Pagbabahagi ni Max, kapag may mga importanteng desisyon siya tungkol kay Skye ay isinasangguni pa rin niya ito kay Pancho, at ganoon din ang aktor sa kaniya.