Film producers at directors, humiling ng mas marami pang sinehan para sa MMFF films

May mensahe ang film producers at directors sa mga Pinoy na manonood na suportahan ang mga pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.
Kagabi, December 27, ginanap ang "MMFF 50 Gabi ng Parangal," kung saan kinilala ang mga nagwagi sa sampung pelikulang nakapasok sa 2024 MMFF.
Kabilang sa sampung pelikula sa 50th Metro Manila Film Festival ay Green Bones, And the Breadwinner Is... Isang Himala, The Kingdom, Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital, Espantaho, Hold Me Close, My Future You, Topakk, at Uninvited.
Sa gabi ng parangal, bukod sa pagkilala sa husay ng mga artista at ang mga nagbigay buhay sa mga pelikulang ito, hiniling ng mga film producers at directors ang suporta sa pelikulang Pilipino. Kabilang sa mga ito ay ang direktor ng Green Bones na si Zig Dulay, direktor ng The Kingdom na si Michael Tuviera at marami pang iba.
Sa kanilang pagtanggap ng pagkilala ay nag-iwan sila ng mensahe para tulungang buhayin ang pelikulang Pilipino at suportahan ang lahat ng kabilang sa MMFF.




