Freddie Aguilar, pumanaw dahil sa multiple organ failure

Muling nagluluksa ang showbiz industry dahil sa pagpanaw ng OPM icon na si Freddie Aguilar sa edad na 72.
Sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Martes, sinabi ni King of Talk Boy Abunda na kinumpirma ng ex-partner ng OPM icon na si Josephine Queipo ang pagpanaw ni Freddie. Sa isang text message, nagbigay din ito ng kaunting detalye sa dahilan nito.
“Ayon kay Josie, binawian ng buhay kagabi si Ka Freddie sa Philippine Heart Center dahil sa multiple organ failure,” pagbabahagi ni Boy.
Matatandaan din na humiling pa si Freddie ng panalangin noong May 20 para sa kaniyang paggaling sa pamamagitan ng kaniyang Facebook page, ngunit hindi rin ito nagbigay pa ng detalye doon.
Unang lumabas ang balita ng pagpanaw ni Freddie sa Facebook post ng aktres na si Vivian Velez, kung saan nagpahatid din ito ng condolences sa pamilyang naiwan ng OPM Icon.
“OPM icon Freddie Aguilar has passed away today (May 27) at the PH Heart Center Hospital. He was 72 years old. Our heartfelt condolences to his family and loved ones. His music will forever live on in our hearts. #FreddieAguilar,” sulat ni Vivan.
Bukod sa "Anak," ilan lamang sa mga pinasikat niyang kanta ang "Magdalena," "Minamahal Kita," at "Ipaglalaban Ko." Naging popular din ang bersyon niya ng kantang "Bayan Ko."
Hiniran din ang naturang OPM legend bilang Presidential Adviser on Culture and the Arts ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
BALIKAN ANG NAGING BUHAY AT MUSIKA NI FREDDIE AGUILAR SA GALLERY NA ITO:










