Nagpapaalam na ang Nation's Ashti na si Sang'gre Pirena.
Sa pagtatapos ng Encantadia Chronicles: Sang'gre, ipinarating ni Glaiza De Castro ang tagos sa pusong pasasalamat na muling nagampanan ang iconic character na si Sang'gre Pirena at sa pagkakataong nabigyan ito ng magandang redemption.
Nagbigay rin siya ng mensahe sa mga taong nakatrabaho sa Sang'gre--sa mga bago at lumang karakter, maging sa kinalakihan na ang Encantadia mula pa noong 2005.
Ipinakita ni Glaiza De Castro ang ilan sa kanyang "priceless memories" mula sa Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Ayon kay Glaiza, hindi niya inasahan na muling bigyang-buhay si Sang'gre Pirena matapos ang 10 taon. Sabi niya, "Nagpapasalamat ako sa pagkakataong muling gampanan si Pirena, pagkatapos ng 10 years, 'di ko ini-expect na muli ko siyang isasabuhay."
Masaya si Glaiza De Castro na nabigyan ng magandang redemption si Pirena sa Encantadia Chronicles: Sang'gre. "Salamat dahil nabigyan ng magandang redemption ang character niya. Kung alam n'yo lang pinag gagagawa ni Pirena dati."
Malaki ang pasasalamat ni Glaiza De Castro sa mga nakatrabaho sa Sang'gre. Aniya, "Maraming maraming salamat sa lahat ng mga nakatrabaho ko. Mula sa mga bago at lumang character, ang saya mapabilang sa mundong ito. Ang sarap n'yo lahat makaeksena."
Ipinarating din ni Glaiza De Castro ang pasasalamat sa mga taong nasa likod ng Encantadia Chronicles: Sang'gre. Sabi niya, "Sa mga nasa likod ng kamera, sa prod at creatives, grabe kayo. Kung mas mahirap ang ginagawa namin, mas mahirap ang pinagdadaanan ninyo. Kaya naman salamat sa pag-aasikaso sa 'min sa set, sa pakikinig sa amin, sa paulit-ulit na pagre-revise, sa pag-aaliw, pasensya, at hard work. Deserve ninyo mag-relax. Tara Baler?"
Sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, muling nakasama ni Glaiza De Castro ang mga kapatid na Sang'gre na sina Kylie Padilla, Sanya Lopez, at Gabbi Garcia.
Binanggit din ni Glaiza De Castro ang pagtupad ng Kapuso Network sa kahilingan ng Encantadiks. Sulat niya, "Sa @gmanetwork sa pagsasakatuparan hindi lang ng mga hiling namin, kundi hiling ng mga manonood."
Hindi rin kinalimutang pasalamatan ni Glaiza De Castro ang mga sumuporta at nagmahal sa Encantadia. Mensahe niya, "Syempre sa inyo, na mula 2005 na grabe ang suporta. Mga lumaki, nangarap, at naging ganap na Sanggre, nanganak din ng sanggol na Sanggre, AVISALA ESHMA. Kayo ang Encantadia. Sa inyo ang korona."
"Mula sa ashti n'yong nag-world tour, na dedz, nabuhay na nang muli, at naging bathaluman, e correi diu," pagtatapos na mensahe ni Glaiza.