'Huling Tapatan sa Tawag ng Tanghalan' Year 7

Napanood ang “Huling Tapatan" ng 'Tawag ng Tanghalan' Year 7 noong nakaraang Sabado (January 27) sa 'It's Showtime' at nasaksihan dito ang pangmalakasang performances ng limang grand finalists.
Nagwagi si Rea Gen Villareal ng Caloocan City bilang grand champion ng naturang singing competition matapos makakuha ng final score na 97.4 mula sa mga hurado.
Sa interview ng GMANetwork.com kay Rea Gen, labis ang saya na kanyang naramdaman nang inanunsyo na siya ang nanalo bilang kampeon ng “Tawag ng Tanghalan” Year 7.
Aniya, “Sobrang sarap sa pakiramdam tapos hindi pa rin talaga ako makapaniwala. Hindi ko na alam kung ano'ng nangyayari talaga sa paligid basta na-blanko na talaga 'yung utak ko sa nangyari pero sobrang saya [at] ang sarap sa pakiramdam.”
Inaalay naman ni Rea Gen ang kanyang pagiging grand winner sa kanyang pamilya.
“Siyempre sa pamilya ko sa kanila ko ito inaalay, itong panalo ko sa Tawag ng Tanghalan. Sila naman ang dahilan kung bakit ako ulit bumalik dito,” pagbabahagi niya.
Itinanghal naman si Eunice Encarnada bilang second placer habang si Vensor Domasig ang third placer.
Kabilang din sa grand finalists na nagpamalas ng kanilang husay sa pag-awit sina Jhon Padua at Aboodi Yandog.
Balikan ang mga naganap sa “Huling Tapatan” ng ikapitong taon ng “Tawag ng Tanghalan” sa gallery na ito.



















