Hindi na bago sa Comedy Queen at batikang aktres na si Aiai Delas Alas na gumanap bilang nanay on-screen.
Sa katunayan, sa kanyang mother roles pa nga siya lubos na nakilala lalo na sa larangan ng pelikula.
Kahit na matagal nang umaarte, aminado si Aiai na nahirapan siya sa kanyang bagong drama role kung saan siya ay ina na magmimistulang anak.
Ito ay para sa upcoming GMA afternoon series niyang 'Raising Mamay' kung saan magkakaroon siya ng age regression.
Bahagi ni Aiai sa virtual media conference ng programa kamakailan, "Napakadaming challenges bukod sa aktingan syempre this is my first time umarte as bata so kailangan mong aralin 'yung mga characteristics ng bata.
"Nagkaroon kami ng immersion ng mga bagets para maaral ko kung paano sila gumalaw, magsalita and kumilos tapos 'yung mga scenes namin ni Abigail bilang mag-ina ay mabibigat din."
Brain injury ang sanhi ng regression ng character ni Aiai na nagngangalang Letty. Babalik ang pag-iisip ni Letty pagkabata. Dahil dito, ang kanyang anak na si Abigail ang tatayong guardian niya na para na rin niyang ina. Gagampanan ng 'StarStruck' Season 7 winner na si Shayne Sava ang papel na Abigail.
Dagdag pa ni Aiai, "Kakaiba naman ito kasi ang talagang nagsasakripisyo dito 'yung anak para sa ina."
Aminado mang ninenerbyos sa bagong soap, exciting naman para kay Aiai ang kanyang latest project dahil ito ang pagbabalik-teleserye niya sa hapon.
Bago pa man tayo maantig kay Aiai sa 'Raising Mamay,' balikan sa gallery na ito ang mga natatangi niyang pagganap bilang ina sa telebisyon at pelikula.
Una na sa listahan ang 2003 blockbuster hit movie ni Aiai Delas Alas na 'Ang Tanging Ina' kung saan gumanap siyang si Ina Montecillo, isang single mom na may labindalawang anak. Biyuda si Ina sa tatlo niyang naging asawa kaya siya ang bumuhay sa kanyang isang dosenang anak na iba-iba ang personalidad. Nagkaroon pa ng sequel ang' Ang Tanging Ina' na pinamagatang 'Ang Tanging Ina N'yong Lahat' na pinalabas matapos ang limang taon. Dito ay naging presidente si Ina matapos manalo via snap election. Ang ikatlo at huling installment naman ng pelikula na 'Ang Tanging Ina Mo (Last na 'To!)' ay ipinalabas noong 2010. Napanood dito ang pagbaba ni Ina sa pinakamataas na pwesto sa bansa para makapag-focus sa ang kanyang mga anak. Sa kabila nito, nagkaroon ng life-threatening disease si Ina.
Sumailaim sa heart transplant si Aiai sa 2006 comedy drama film na 'Kapag Tumibok Ang Puso: Not Once, But Twice.' Na-in love ang character ni Aiai na si Love sa biyudo ng heart donor niyang si Marco (Bong Revilla). Nag-focus ang kwento sa love story nina Love at Marco pero agaw-eksena ang kwelang tandem nina Aiai at Kiray Celis. Si Kiray ay gumanap na ampon ni Aiai sa pelikula. Palaban at hindi nagpapa-bully na bata sa pelikula si Kiray na 10 years old lang noon.
Iconic din ang role ni Aiai sa dramedy film na 'Ang Cute ng Ina Mo.' Sa pelikula, ginawa niya ang lahat para mapalapit sa nawalay na anak na si Christine sa Australyanong si Jack. Ang character na Christine ay ginampanan ni Anne Curtis.
Kwentong pangpamilya rin ang pelikula ni Aiai noong 2009 na 'Ang Tanging Pamilya: A Marry Go Round.' Dito ay gumanap siyang Sunshine, partner ni Dindo, na binigyang-buhay ni dating pangulo Joseph Estrada. Sa pelikula, mayroon silang limang anak na lalaki at isang babaeng anak na si Charlie, na ginampanan ni Toni Gonzaga. Bilang unica hija, protective sina Sunshine and Dindo kay Charlie lalo na sa buhay-pag-ibig nito. Naging riot pa ang kwento sa pagpasok ni Marlene, ang ina ng mapapangasawa ni Charlie. Si Marlene ay ginampanan ni Dionisia Pacquiao.
Detty ang pangalan ng character ni Aiai sa pelikulang 'Sisterakas.' Ipinaglalaban ni Detty ang kustodiya ng dalawang anak laban sa dating asawa kaya kahit anong trabaho ay pinasok niya kahit maging alalay ng matapobre at mapaghiganting half-sister na si Bernice (Vice Ganda).
Tumayong istriktang tita at guardian si Aiai ni Alden Richards sa pelikulang 'My Bebe Love: KiligPaMore.' Sa 2015 romcom movie, business competitors sina Cora (Aiai) at Vito (Vic). Si Vito ay ama ng rebeldeng si Anna, na love interest ng pamangkin ni Cora na si Dondi (Alden). Against si Cora sa relasyon nina Dondi at Anna pero sa huli mababaliktad ang mundo ng apat nang magkagustuhan sina Cora at Vito.
Pagdating naman sa TV, memorable para kay Aiai ang unang teleserye niya sa GMA na 'Let The Love Begin' matapos siyang bumalik sa istasyon noong 2015. Sa primetime series, siya ang DJ mom ng karakter ni Ruru Madrid.
Ilang beses nagbida si Aiai sa weekly drama anthology na 'Magpakailanman.' Isa rito ay ginampanan niya ang life story ni Emily Baclao na binansagang "nanay sa kalsada." Namuhay si Emily sa kalsada kasama ang kanyang apat na anak matapos makipagsapalaran sa Maynila nang iwan ang mapang-abusong asawa sa probinsya. Sa pagtira ni Emily sa lansangan, kumupkop siya ng mga hindi niya kaano-ano at ipinaramdam sa mga ito ang pagmamahal ng isang ina.
Aminadong napagod si Aiai sa kanyang role sa 2019 primetime series na 'Sherlock, Jr.' kung saan muli siyang gumanap na ina ni Ruru. Ayon kay Aiai, nanay siya sa serye na hindi marunong tumigil kapag naumpisahan na ang pagsasalita.
Kakaibang mother role naman ang mapapanood sa bagong serye ni Aiai na 'Raising Mamay' na ipapalabas na ngayong April 25 sa GMA. Dito ay lalabas siyang si Letty, adoptive mom ng dalagitang si Abigail (Shayne Sava). Kalaunan ay malalaman ni Letty na anak pala sa labas ng asawa niyang si Bong (Antonio Aquitania) si Abigail kaya lalayo ang loob niya rito. Dahil sa isang aksidente, mababaril si Letty na magreresulta sa isang traumatic brain injury. Magkakaroon ng regressive behavioral disorder si Letty kung saan babalik ang kanyang pag-iisip sa edad na pitong pitong gulang. Magiging guardian ni Letty si Abigail na aakalain niyang ina niya.
Katulad ng kanyang karakter sa 'Tanging Ina' film series, marami ding anak si Sabel sa pelikulang 'S.O.N.S.: Sons of Nanay Sabel.' Nakasama ni Aiai sa pelikulang ito ang grupong Ex Battalion, na noong ay mina-manage ni Aiai.
Kabilang din si Aiai Delas Alas sa star-studded 2019 Metro Manila Film Festival entry na '3pol Trobol: Huli Ka Balbon,' kung saan ginampanan niya ang karakter ni Mary Balbon, ang ina ng karakter ni Coco Martin na si Pol.
Ang huling pelikulang gumanap si Aiai bilang isang ina ay sa 'D'Ninang' bilang si Ditas. Leader ng gang si Ditas pero napilitan siyang magbago nang muli niyang nakita ang anak niyang si Mikhai, na ginampanan ni Kisses Delavin.
Matapos ang ilang taon, muling gumawa ng pelikula si Aiai Delas Alas kung saan ginampanan niya ang karakter ni Lola Edna na mayroong Alzheimer's disease. Iniwan si Lola Edna ng kanyang anak na si Divina (Ara Mina) kaya naman ang apo na lang nito at anak ni Divina na si Angel (Quinn Carillo) ang nag-aalaga sa kanya.
Noong 2015, kabilang sa Cinemalaya Independent Film Festival ang pelikulang 'Ronda' kung saan gumanap si Aiai bilang ang pulis na si Paloma. Habang nagpa-patrol sa kalsada sa gabi bilang pulis, hinahanap rin ni Paloma ang nawawala niyang anak na si Leo (Julian Trono).