Maraming fans ang nagpapahayag ng kanilang paghanga sa mga magagandang set locations ng romance fantasy series ng GMA Public Affairs na 'The Lost Recipe.'
Ayon sa mga social media post, hindi lang ang paganda nang paganda ng istorya ng serye ang inaabangan ng mga manonood, pati na rin ang mga taping location nito, kung saan ginanap ang iconic scenes nina Chef Harvey (Kelvin Miranda), Chef Apple (Mikee Quintos), at iba pang cast ng 'The Lost Recipe.'
Ilan sa mga ito ay binisita na ng netizens at fans para ipakita ang kanilang suporta sa programa. Ayon sa kanila, mas napahanga sila sa ganda ng Maynila nang makita nila ang iba't ibang makasaysayang mga lugar na napanood nila sa 'The Lost Recipe.' May mga ilan namang todo ang pag-reminisce sa mga ilan pang taping locations kung saan ginanap ang mga nakakakilig na eksena ng tambalang #MiKel.
Silipin ang mga lugar kung saan ginanap ang iconic scenes ng 'The Lost Recipe' sa gallery na ito:
Sa Jones Bridge kinunan sina Kelvin Miranda at Mikee Quintos para sa title card ng 'The Lost Recipe.' May ilang eksena rin sina Mikee Quintos at Paul Salas na kinunan rito.
Ang Jones Bridge ay kilala rin bilang Paris of the East.
Sa Baluarte de San Diego naman kinunan ang time space portal sa 1890s timeline.
Sa Ayala Bridge naman ang time space bridge. Ito ang naging daan para makapunta si Harvey sa timeline nina Conchita Valencia.
Ang Gota de Leche ay isang heritage site na matatagpuan sa Sampaloc, Manila.
Kinilala itong Important Cultural Property ng National Museum of the Philippines noong August 2014. Ang cultural heritage site ay ang Honourable Mention sa 2003 UNESCO Asia Pacific Heritage Awards.
Ang Gota de Leche ay ang naging ancestral home ng Valencia clan sa 'The Lost Recipe.'
Ang Philippine Post Office naman ay ang Philippine Food Museum ng 'The Lost Recipe.'
Dito nakilala ni Chef Harvey si Dulce na tumulong sa kaniyang makapag-time travel.
Ang Colegio de San Juan de Letran ay ang 400-year-old private Roman Catholic Dominican institution. Dito ipinakita ang ilang school scenes ni Professor Alfredo Legazpi.
Sa Colegio de San Juan de Letran rin ang location ng indoor kitchen ng H&B Restaurant ni Chef Harvey.
Ang Metro Café naman mula sa Pasay ay ang nagsilbing H&B Restaurant ni Chef Harvey.
Sa Caerus Restaurant naman ginanap ang mga eksena sa Valeria Restaurant ni Chef Ginger. Ang Valeria ay ang kalaban ng H&B Restaurant pagdating sa food business.
Ang Sky Ranch ay ang naging “happy place” nina Apple at Frank.
Dito rin ginanap ang first date nina Apple at Harvey.
Ang Kartilya ng Katipunan Park o Heroes Park ay ang public park and plaza sa Ermita, Manila. Dito kinunan ang ilang mga pag-uusap nina Harvey at Alfredo.
Sa dancing fountain naman unang nakita si Lotus.
Sa Kartilya ng Katipunan rin ang lugar kung saan nag-concert si Frank.