IN PHOTOS: Viral nurse na nagpaanak sa daan, tampok sa '#MPK'

Isang bago at napapanahong episode na naman ang hatid ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman ngayong parating sa Sabado.
Tampok dito ang kuwento ng isang nurse na nag-viral matapos niyang tulungang manganak ang isang babae sa daan.
Siya si Lorraine Pingol na nagtatrabaho para sa isang pribadong health insurance company.
Napadaan lang siya sa lugar kung saan nangailangan ng tulong ang isang babae dahil manganganak na ito.
Walang pag-aatubuling tumulong si Lorraine katuwang ang ilang opisyal sa barangay.
Marami ang naantig sa pagpapakita niya ng kabutihang loob sa gitna na pandemya.
Pero si Lorraine, marami din palang pinagdaanang pagsubok sa buhay.
Si Shaira Diaz ang gaganap bilang Lorraine. Kasama niya sa episode sina Yayo Aguila, Anthony Rosaldo at Luis Hontiveros.
Alamin ang kuwento ni Lorraine sa "Viral Frontliner: The Lorraine Pingol Story" ngayong Sabado, October 3, 8:15 pm sa '#MPK.'






