
Babala: Sensitibo ang paksa
Isang kontrobersyal na video ang ibinahagi kamakailan ng modelo, content creator, at rising sexy star na si Mica Nicdao matapos niyang i-upload ang CCTV footage na umano'y nagpakita ng pananakit at pananampal sa kanya ng kanyang nobyo.
Sa hindi inaasahang pag-amin, ibinahagi ni Mica sa Kapuso Mo, Jessica Soho na sa halip na isang masayang pagdiriwang para sa kanilang unang anibersaryo, ang ipinost niya ay ang video ng kanilang mainit na pagtatalo—na nauwi sa sigawan at pisikalan. Mabilis na nag-viral ang video, na naging sentro ng usapan tungkol sa red flags sa relasyon at karapatan ng kababaihan laban sa anumang uri ng karahasan.
Ayon kay Mica, matagal na niyang alam ang mga senyales ng problema sa kanilang relasyon. “Alam ko naman na may red flag. Pero, number one kasi siyempre--mahal ko 'e.” Gayunman, aminado siyang dahan-dahan nang pumasok sa isip niya ang pangamba. “Pero nasa isip ko na 'yun 'e na 'Hiwalayan ko na ba siya kaysa baka talagang masaktan na niya ako?'”
Sa paglipas ng panahon, humantong na umano ang lahat sa pisikal na pangaabuso.
“Hanggang sa nagsimula na ang mga pisikal na pangaabuso.” ani Mica, sabay pagbabahagi ng isa sa mga insidente. “Nagkaroon ako ng malaking pasa dito kasi pinipigilan ko na naman siyang 'wag umalis.”
Sa pag-amin niya, naging malinaw rin ang bahagi niyang pinagdaanan sa dinamika ng relasyon. “Ang pagkakamali ko is na-tolerate ko siyang ganunin ako, kaya siguro umabot sa point na kaya niya na akong saktan.”
Sa huli, nagbigay si Mica ng matapang na mensahe para sa kababaihan. “So kailangan una pa lang, kapag may sign na ng abusive behavior, umexit ka na. Alam ko naman na rin, na hindi niya talaga ako mahal. Ang totoong pagmamahal, hindi ka kayang saktan.”
Sa gitna ng diskusyon, muling nabigyang-diin ang mga red flags na dapat bantayan sa isang relasyon, gaya ng verbal abuse, intimidation, at lalo na ang anumang uri ng physical aggression. Marami ring netizens ang nagpaabot ng suporta kay Mica, sabay paalala na walang sinuman—babae man o lalaki—ang dapat makaranas ng karahasang pisikal o emosyonal.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng mga eksperto na may malinaw na karapatan ang kababaihan laban sa karahasan, kabilang na ang Women's Charter at Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, na nagbibigay ng legal na proteksyon sa mga biktima.
Hinihikayat ang publiko na maging mapanuri sa mga senyales ng unhealthy relationships at huwag mag-atubiling humingi ng tulong kung kinakailangan.
Panoorin buong panayam sa video sa itaas.
Samantala, narito ang ilang celebrities na naging biktima ng sexual abuse:














